Industriyang Pantahanan
Ang paglalako ng mga lutong bahay o kakanin, ang patahian, atbp, ay maaaring lahukan ng pamilya. Ang ibig sabihin, malaking tulong ang industriyang pantahanan para sa dagdag na kita ng pamilya at lalong malaking tulong kapag mahirap maghanap ng trabaho.
Nagkakatulungan pa ang mga miyembro ng mag-anak para sa napilì nilang munting negosyo. Ang totoo, may ulat na ng lumagong mga negosyo na nagsimula bilang isang proyektong pantahanan.
Maaari ring nakasalalay sa mithing produkto ng pamayanan ang industriyang pantahanan. O kaya nakikilala ang isang komunidad alinsunod sa isang industriyang nakamihasnang gawin ng mga tao sa komunidad.
Halimbawa, bantog ang San Miguel de Mayumo, Bulacan sa paggawa ng pastilyas at ibang minatamis na prutas. Bantog naman ang Vigan, Ilocos Sur sa paggawa ng bornay.
Malakng bagay rin sa pag-iisip ng industriyang pantahanan ang pag-aaral sa mga bagay na nasa paligid at maaaring gamitin sa pagnenegosyo, gayundin ang mararamdamang pangangailangan ng komunidad.
Mahirap mag-umpisa ng babuyan o manukan sa isang kapitbahayang dikit-dikit ang mga tahanan. Mahirap magnegosyo ng palayok kung sa ibang probinsiya pa hahakot ng luad. Kailangang kakaiba ang kakaning gagawin upang mailaban ito sa isang komunidad na marami nang nagtitinda ng kakanin.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Industriyang Pantahanan "