Binabaybay ding “burnay,” ang bornay ay tawag ng mga Ilokano sa kasangkapang tulad ng banga, palayok, at tapayan na likha mula sa luad. Karaniwang may pagkaluma at madilim ang kulay nito at may iba’t ibang hugis, disenyo, at laki.


Bantog ang Vigan sa paggawa ng mga bornay. Pagbornayan ang tawag pamayanan na maramihang gumagawa ng mga bornay. Tinatawag namang kamarin (na katulad na kamalig) ang pagawaan ng mga bornay. Mula sa luad na sagana sa gilid ng ilog sa Ilokos, isa-isang hinuhubog ng mambobornay ang kasangkapan gamit ang gulong para sa pagpapalayok at iniluluto sa isang malaking hurno. Kung mainam ang pagkakaluto ng bornay, dapat tunog bakal ito kapag tinapik.


Hindi tulad ng mga karaniwang palayok, tapayan o banga, hindi ginagamit sa pagluluto ang bornay at hindi mainam na lalagyan ng tubig. Dahil sa kapal nito, mahirap nitong panatilihin ang init sa loob, at dahil naman siksik ang pagkakagawa nito, hindi nito napapalamig ang tubig. Ginagamit sa halip ang mga bornay sa paggawa ng bagoong, asin, asukal, sukang Iloko, at basi. Sinasabing mas masarap ang bagoong at basi na inimbak sa bornay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: