Katutubong tawag sa pinaglulutuan ang kalan.


Karaniwang yari ito sa pinatigas na luad, may hukay sa gitna na nilalagyan ng panggatong, at naliligid ng tatlong tungko na salalayan ng sisidlan ng iniluluto.


Marahil, pinakasinaunang kalan ang tatlong pinagtungkong piraso ng bato. Kahoy o balat at bao ng niyog ang karaniwang panggatong noon. Palayok at kawali ang karaniwang sisidlan ng iniluluto.


Isang popular na bugtong hinggil sa sinaunang kalan ang:


Tatlong magkakaibigan


Sa apoy nagbubulungan.



May kalan na ipa ang panggatong. Dahil sa pagtitipid sa panggatong, may mga inimbentong kalan na nilamukos na papel o damo ang maigagatong.


Modernong kalan ang kusinílya (mula sa Espanyol na cosinilla), munting kalang de-gaas at binobomba, at ang mga kalang de-koryente. Hurno o oven ang kaláan para sa pagluluto ng tinapay, cake, at katulad.


Inirereklamo ng iba ang de-gaas dahil lumalasa daw ang kerosina sa sabaw. Mas gusto ng ibang magluto ng sinigang sa kalang luad dahil mas malinamnam.


At ikinalulungkot ng mga tradisyonal na kusinera ang nawawalang dapugang maabo. Bakit? Dahil abo ang napakabisang pantanggal ng uling sa kaldero, abo ang panlinis ng hito, at abo ang napakahusay na pang-alis ng lansa ng bituka para sa dinuguan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: