Ang kakawate ay isang puno na kalimitang nabubuhay sa gubat. Lumalaki ito ng lima hanggang sampung metro ang taas. Madaling paramihin ang kakawate dahil nabubuhay ito sa kahit anong uri ng lupa. Malimit itong itinatanim ng mga magsasaka upang gamiting lilim ng iba nilang tanim na gaya ng kakaw, kape, at tsaa.


Naglalagas ang dahon nito tuwing buwan ng Disyembre at namumulaklak ito tuwing buwan ng Pebrero at Marso.


Sa ibang lugar, napakaraming mamulaklak ng kakawate at maihahambing sa sakura sa Japan. Ang bulaklak nito ay kalimitang kulay rosas, puti o lavender.


Dahil sa matibay ang ugat ng mga puno ng kakawate, ginagamit ito upang mabawasan ang pagguho ng mga nakahilig na lupa. Ang pagtatanim ng kakawate ay mahalaga rin upang manumbalik ang pagiging mabunga ng lupang tinatamnan.


Ang kahoy ng kakawate ay maaari ding gamiting panggatong. Napakikinabangan din itong pain sa mga daga at pambugaw ng mga insekto. Ang mga dahon naman nito ay nagagamit na pataba sa mga pananim. Napatunayan ding ang kakawate ay magaling na pakain sa mga baka.


Tinatawag itong kakaoati sa Bontok; kakauati, kakawate, madrecacao, madrecaco, madre kakau, marikadau, at marikakaw sa Tagalog; at mandiri-kakau sa Sulu.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: