On
Ang banaba ay isang punongkahoy, kabilang sa pamilyang Lythraceae, at may botanikong pangalan na Lagerstroemia speciosa.


Ito ay may katamtamang taas na 5 hanggang 10 metro ngunit minsan ay tumataas hanggang 20 metro. Ang kulay ng dahon nito ay berde ngunit nagiging kulay dalandan kapag mataas ito sa corsolic acid, isang sangkap na mainam para sa may sakít na diyabetis.


Ang iba’t ibang parte nito ay may kani-kaniyang gamit bilang alternatibong gamot. Ang ugat nito ay ginagamit para sa mga karamdaman sa tiyan at ang mga dahon naman nito ay ginagamit sa diyabetis at bilang diyuretiko o kaya ay pampurga. Mahusay na tabla ang puno ng banaba.


Simple lang ang paggawa ng tsaa na maaaring inumin bilang gamot sa diyabetis at pampapayat. Kumuha ng mga dahon ng banaba at ibilad hanggang matuyo sa loob ng dalawang linggo.


Durugin ang mga dahong tuyo at ilaga sa loob ng tatlumpung minuto. Kailangan ang isang tasang durog na dahon katumbas ng isang tasang tsaa. Salain ang nilaga para maalis ang mga durog na dahon. Inumin ang tsaa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: