Alugbati
Ang alugbati o alukbati ay may malambot, makinis, at matubig na sangang gumagapang. Mabilis ang paglago nito. Hindi nito kailangan ang masusing pag-aalaga. Nabubuhay ito sa mga tropikon na lugar tulad ng Asia at Aprika.
Ang mga dahon nito ay malaman, hugis puso at manipis na tulad ng okra at saluyot. Nagkukulay berde o lila ang kulay nito depende sa edad. Ang mga tangkay nito ay patusok ang mga dulo at lumalaki hanggang 12 sentimetro. Ang bunga ng alugbati ay matubig, walang tangkay, at hugis biluhaba. Kulay lila ito kapag magulang na. Namumulaklak din ang alugbati at ang nagiging bunga nitó ay nagkukumpol-kumpol kapag tumanda na. Paborito din itong pagkain ng mga ibon.
Ang alugbati ay may kalsiyum, iron, at mga bitamina A, B at C. Ang mga dahon, sanga, at buto nito ay makakain lahat. Ginagamit naman ang dagta sa paggamot ng acne. Ang mga dahon na kulay lila ay ipinanggagamot sa sakit ng ulo at tiyan.
Kinukuha naman ang katas ng mga dahon at inilalahok sa langis para gamiting gamot sa paso. Maaari din itong pampakinis ng pisngi at labì. Ang natural na kulay nito ay ginagamit na pangkulay sa iba pang pagkain. Bukod pa sa mga ito, maganda ding ipandisenyo ang alugbati sa mga hardin.
May iba’t ibang tawag din ang alugbati sa Filipinas, gaya ng arogbati sa Bikol, dundul sa Sulu, ilaibakir sa Iloko, at libato at grana sa Tagalog.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alugbati "