Kape
Kape din ang tawag sa bunga na ginigiling at ginagawang inumin. May iba’t ibang uri ang kapé sa bansa, gaya ng C. arabica, C. robusta, C. excelsa, C. liberica, C. amphora, at C. ugandae. Sa mga ito, pinakamabango ang arabica.
Ang mga butil ng hinog na kape ay pinatutuyo, ibinubusa, ginigiling, at inilalaga upang inumin.
Popular ang Batangas sa liberica na tinatawag na “kapeng barako.” Ngunit kakompetensiya na ngayon ang kapeng arabica mula Cordillera. Nakakatuwa ang bunga ng komersiyalismo sa kape.
May mumurahin at nakapaketeng instant coffee para sa nagmamadalî: ang kape sa ordinaryong kapeterya ng masa. Ngunit may mamahaling brewed coffee o banyagang blended coffee sa pamburges na coffee shop.
Dinala mulang Mexico noong 1749 ng isang Pransiskano ang kape sa Lipa, Batangas. Hindi nagluwat ay nagkaroon ng malaking pataniman ng kape sa Lipa at karatig pook.
Gayunman, sinira ng pesteng bagombong ang mga puno ng kape nitong magtatapos ang ika-19 siglo. Ang robusta ang lumitaw na pinakamatibay laban sa peste. Sa ulat noong 2005-2006, robusta ang 71% ng produksiyon sa buong bansa, 20% ang arabica, 8% ang excelsa, at 1% ang liberica.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kape "