Ano ang akle?


Ang akle (Albizzia acle Merr) ay matigas na punongkahoy na ginagamit sa pagtatayo ng bahay at paglikha ng muwebles.


Mayroon itong katamtamang taas na 25-30 m at diyametro na 70-120 sm. Nalalagas ang dahon tuwing tag-init at malapit nang mamulaklak at hindi nakatatagal sa lilim. Ang bole nitó ay silindriko, karaniwang maiksi at baluktot, at mayroong 40-60 sm na diyametro at taas na 10-18 m. Ang mga dahon nitó ay magkakatapat sa bawat tangkay at ang mga bulaklak ay putîng berde.


Ang punò nitó ay walang pansuhay ngunit may malalaking ugat. Ang tuktok ay nakabuka nang palapad. Ang balát ng kahoy ay kayumanggi, marupok, at putî kapag bagong tabas na nagiging manilaw-nilaw na pulá kapag nahanginan na. Mabagal ang paglaki ng akle. Karaniwang ang 25 taóng gulang na punô ang tumataas nang mga 16 m at lumalaki nang mga 23 sm ang diyametro.


Ang kahoy nitó ay ginagamit sa paggawa ng aparador dahil sa taglay nitóng kulay, magandang hilatsa, at tibay. Bukod dito, ginagamit din ito sa pag-uukit, eskultura, paggawa ng mga instrumento, bahay, barko, at iba pang katulad na konstruksyon.


Matatagpuan ang akle sa sa mga kagubatang mababà at mahalumigmig ng Albay, Bataan, Bulacan, Camarines Norte, Camarines Sur, Capiz, Palawan, Cebu, Davao, Ilocos Norte, Masbate, Mindoro Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Surigao, Tarlac, at Zambales.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: