CamSur
Ang CamSur ang isa sa pinakapopular na destinasyong panturista sa Pilipinas, at ginagamit ang palayaw nito bilang bahagi ng kampanya upang makaakit ng mas marami pang bisita. Ang munisipalidad ng Pili ang nagsisilbing kabesera ng lalawigan, at ang Lungsod Naga ang pinakamalaki at pangunahing bayan ng CamSur.
Tanyag sa buong mundo ang bayan ng Caramoan at ang mga pampang, isla, at dagat nito. Dinadayo ito ng mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at daigdig para mag-beach, scuba diving, kayaking, at snorkeling.
Ilang ulit na itong itinampok at ginawang lunan ng popular na palabas sa telebisyon, ang Survivor (ang mga season na Survivor: Philippines at Survivor: Caramoan para sa Amerika, at ilang season ng edisyon ng palabas sa Pransiya, India, Serbia, Israel, Bulgaria, at Sweden).
Nitong mga huling taon ay sumikat ang CamSur Watersports Complex (CWC) sa Pili. Isa itong resort at parke para sa palakasang pantubig (watersports) tulad ng wakeboarding, wakeskating, at waterskiing. Hindi madalang ang makakita sa CWC ng mga dayuhang mahihilig sa ganitong uri ng palakasan.
Matatagpuan ang Lawang Buhi malapit sa CWC. Tanyag ang lawa para sa sinarapan, ang pinakamaliit na inaaning isda sa buong mundo. Ang Bundok Isarog sa labas ng Naga ay isang bulkang dinadayo ng mga mountaineer at kahit mga regular na bisitang nais magbanat ng buto at magpahinga sa piling ang kalikasan. Matatagpuan sa paanan ng bundok ang Panicuason Hot Springs, isa ring destinasyon ng mga turista.
Bilang sentro ng kalakaran at kalinangan ng CamSur, dinadayo din ng mga tao ang Lungsod Naga. Pangunahing atraksiyon ang Pista ng Nuestra Señora de Peñafrancia, o Peñafrancia Festival, na isa sa pinakapopular na okasyong pangrelihiyon sa Filipinas.
Libo-libo ang dumadagsang deboto at turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa tinaguriang pinakamalaking pagdiriwang para kay Birheng Maria sa buong Asia. Nakaugat din sa relihiyon ang ibang panturistang destinasyon sa Naga, ang Our Lady of Peñafrancia Shrine, Peñafrancia Basilica Minore, San Francisco Church, at ang Katedral ng Naga kasáma ang arkong Porta Mariae na nakatirik sa harap nito.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " CamSur "