Bundok
Nagmumula sa mga bundok ang karamihan ng tubig sa mga ilog kaya isang halaga ito ng mga bundok sa pamumuhay ng mga tao. Dahil sa bulkanikong pinagmulan, bulubundukin ang karamihan sa mga pulo ng Filipinas. Marami sa mga bundok ng bansa ay mga bulkan, na siyang butas ng lupa na nilulusutan ng lava, abo, at gas.
Ang pinakamataas na pook sa bansa ay ang tuktok ng Bundok Apo sa Mindanao (2,954 metro), na sinusundan ng tuktok ng Bundok Pulag sa Luzon (2,842 metro). Kabilang din sa mga pangunahing rurok ng Filipinas ang mga bundok at bulkan ng Arayat, Banahaw, Bulusan, Data, Dulangdulang, Guiting-Guiting, Halcon, Hibok-Hibok, Iraya, Iriga, Isarog, Kalatungan, Kanlaon, Kitanglad, Makiling, Mantalingajan, Mariveles, Masaraga, Mayon, Natib, Pinatubo, Ragang, Samat, Sumagaya, at Taal.
Ilan sa mga bundok sa nasabing listahan ay kabilang sa mga bulubundukin. Halimbawa ng mga ito ang Bulubunduking Caraballo sa gitnang Luzon, Cordillera sa hilagang Luzon, Kalatungan sa hilagang Mindanao, Kitanglad sa hilagang Mindanao, Zambales sa kanlurang Luzon, at Sierra Madre sa hilagang-silangang Luzon. Ang hulĂ ang pinakamahabang bulubundukin sa Filipinas.
Dahil na rin sa di-patag na lupain at klima, madalang gamitin ang mga bundok para sa agrikultura at mga pamayanan. Natatangi kung gayon ang Cordillera sapagkat hinubog ng mga pangkating etniko nito ang mga dalisdis upang maging payyo/payaw/payew (”rice terraces” sa Ingles) para mapagtaniman ng palay, at sapagkat dito rin matatagpuan ang pinakabantog na mabundok na lungsod sa bansa, ang Baguio.
Kadalasang ginagamit ang mga bundok para sa pagmimina, o kaya naman bilang pook bakasyunan o pook libangang tulad ng mountaineering. Mahalaga din ang mga bundok ng Filipinas sapagkat matatagpuan dito ang marami sa nalalabing birheng kagubatan at mga pambihirang uri ng halaman at hayop.
Pumasok na rin ang salitang ”bundok” sa wikang Ingles bilang ”boondock,” na siyang napulot ng mga Amerikano sa kanilang pakikisalamuha sa mga Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bundok "