Bundok Arayat
Walang naitalang pagsabog nito at ngayon ay isa na itong patay na bulkan na may taas na 1,030 metro. Nalilibot ang bundok ng malawak na bukirin ng tubo at palay. Sa ibabaw nito ay makikita ang pabilog na bunganga ng bulkan na may mahigit dalawang kilometrong lawak. Ito ay may dalawang taluktok, ang North Peak at ang Pinnacle Peak.
Sa kanlurang tuktok nito ay mamamalas ang magandang tanawin ng Gitnang Luzon, lalo na ang Ilog Pampanga at ang mga kabundukan ng Zambales at Bataan habang sa bahaging silangan nito ay matatanaw ang mga hanay ng kabundukang Sierra Madre. May tatlo hanggang apat na oras ang lalakarin upang makarating sa pinakatuktok ng bundok.
Noong 1933, itinayo ang Mt. Arayat National Park na kinapapalooban ng mga natural na lawa, pook pasyalan, at daanan paakyat sa tuktok ng Arayat. Mayroon itong 3,715 ektaryang sakop na kalupaan na itinalaga para sa eko-turismo upang mapangalagaan ang natural na kaayusan ng lugar.
Pinaniniwalaan itong isang misteryosong bundok at maalamat na tahanan ng diwatang si Mariang Sinukuan na siyang nagpoprotekta sa lahat ng uri ng halaman at hayop ng kabundukan.
May kuwentong-bayan na kapatid siya nina Mariang Makiling sa Bundok Makiling ng Laguna at Mariang Banahaw sa Bundok Banahaw ng Quezon. Tulad ng dalawa, diwata siya ng mga tula at awit. May pangkating Rizalista na nagtatagpo sa paanan ng bundok tuwing Disyembre at sumasamba kay Mahal na Inang Birhen Sinukuan, na pinaniniwalaang babaeng reengkarnasyon ni Rizal.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bundok Arayat "