Mariang Makiling
Si Mariang Makiling ang diwatang nangangalaga sa Bundok Makiling, Laguna. Siyá ang pinakatanyag na diwata sa mitolohiya ng Filipinas. Inilarawan siyá bilang napakagandang dalaga na hindi tumatanda.
Mayroon siyáng mahabàng buhok, nangungusap na mga matá, at kayumangging balát. Kalahating nimpa, kalahating silfide, isinilang siyá ng silahis ng buwan sa Filipinas at kinalinga ng misteryo ng kagubatan at lawa.
Naging bahagi ng tradisyong oral ng Filipinas ang alamat ni Mariang Makiling kayâ iba’t ibang bersiyon ang naipása bago pa man ito maidokumento. Isinulat ni Jose Rizal ang alamat ni Mariang Makiling noong 23 Nobyembre 1890 na nailathala sa La Solidaridad noong Disyembre 1890.
Ayon dito, walang nakatitiyak kung saan ang tirahan niya: ang mga nakakatagpo nitó sa gubat ay hindi na muling nakababalik sa kani-kanilang bayan. May ilang nagsasabing nakatira siyá sa isang engrandeng bahay, hábang sa iba, isa lámang lumang kubo ang kaniyang tirahan.
Pinakahilig ni Maria ang paglalakad matapos ang isang bagyo upang ipanumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa nasirang kagubatan. Pinahihiram niya ng mga gamit ang mahihirap kapalit ng pagbalik ng mga ito ng gamit at pag-aalay ng putîng dumalaga. Binibigyan din niya ang mga ito ng áni, ginto, relikaryo, at alahas.
May isang mangangaso na humabol sa isang baboy-damo na alaga ni Maria ang pinatuloy niya sa kaniyang bahay at pinakain, binigyan niya ito ng luya at nang papauwi, naging ginto ang mga ito.
Dumating ang panahon, ayon kay Rizal, na hindi na nakikita ang diwata. Sinasabing dahil ito sa hindi na ibinabalik sa kaniya ang mga gamit at hindi na inaalayan ng dumalaga. Maaari ring dahil sa nabigông pag-ibig sa isang binata.
Ayon sa isang alamat, umibig si Maria sa isang lalaki at pinagpapalà ang sakahan nitó. Nang magkaroon ng giyera, pinili ng lalaking magpakasal upang hindi sapilitang humawak ng sandata. Nagpakita sa kaniya si Mariang Makiling upang magpaalam at magbigay ng handog para sa nalalapit na kasal ng lalaki. Hindi na nakita pa ang diwata simula noon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Mariang Makiling "