Baboy-damo ang popular na tawag na ilahas na uri ng baboy sa kagubatan ng Pilipinas.


May apat itong katutubong species:

  1. ang Philippine warty pig (Sus philippensis), 
  2. ang Visayan warty pig (Sus cebifrons), 
  3. ang Mindoro warty pig (Sus oliveri), at 
  4. ang Palawan bearded pig (Sus ahoenobarbus). 


Ang naturang apat na species ay pawang nanganganib nang maglaho.


Ang Philippine warty pig ay may magandang pangangatawan, magaspang at maitim na balahibo na may nakakalat na putî sa mga tagiliran. May matitigas at mahahabang balahibong nakalinya sa likod, at litaw-litaw sa mga barako hanggang ulo kapag panahon ng pambubulog. May mahaba itong nguso na sapad at naigagalaw ang dulo. Matatalim ang ngipin at may dalawang umuusling tila sungay sa mga lalaki. Maliliit ang mga mata at tainga nito at ang makitid na paa ay may apat na kuko.


Ang Visayan warty pig ay maliit at ngayon lamang kinilala bilang isang hiwalay na species. Tulad ng ibang baboy-damo, malaki ang bulugan kaysa inahin at may matitigas at mahahabang balahibo sa ulo at likod na lumilitaw kapag panahon ng pambubulog. May tatlong pares lamang ng suso ang inahin.


Kamakailan din kinilala ang Mindoro warty pig bilang hiwalay na species, lalo na sa tulong ng mga bungo nito na iniingatan ngayon sa Field Museum sa Chicago.


Ang Palawan bearded pig ay may pahabang bungo at makapal na magaspang na puting buhok na nakapaligid sa pisngi at nguso. Mas mahaba ang mga binti nito at malaki ang katawang may madalang na balahibong kulay mamula-mulang kayumanggi.


Kinakain ng baboy-damo ang mga nalaglag na bunga ng balete, ugat at halamang-ugat tulad ng mais, gabe, kamote, ube, at kung minsan, palay.


Aktibo ito sa gabi at paungol-ungol na tulad ng karaniwang baboy kapag may kinakaing matigas na bahagi ng halaman.


Ang babaeng baboy-damo ay nanganganak ng tatlo hanggang labing-isang biik. Karaniwan itong hinuhuli upang gawing pagkain o kaya ay pinapatay dahil sa paninira ng taniman.


Ganap na protektado ng batas ng Filipinas ang baboy-damo. Ngunit nanganganib dahil sa malaganap na pagkawasak ng kagubatan, mahinang pagpapatupad ng batas hinggil sa mga protektadong pook, at matinding interes sa pangangaso.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: