Amorseko
Ang amorseko (Digitaria) ay isang uri ng ilahas na damo na mabilis dumami kapag tag-araw. Tinatawag din itong mursikos at tinloy at crab grass sa Ingles.
May dalawang uri ng Digitaria: ang Digitaria sanguinalis na mabalahibo, mataas (umaabot sa tatlong talampakan ang taas), at may dahong maputlang asul-lungtian; at ang Digitaria ischaemum na makinis, maliit (umaabot lámang sa 15 pulgad ang taas), at may dahong madilim na lungtian na humahabà nang apat na pulgada. Ang dalawang uri ay kapuwa may kakayahang magbunga ng 150,000 hanggang 180,000 buto taón-taón at maaaring mabaón sa lupa nang matagal bago magkaugat, kayâ mahirap lipulin ang amorseko.
Karaniwang tumutubo ang amorseko sa mga gilid ng kanal, pilapil, at landas sa piling ng ibang ilahas na damo. Kaya ikinabubuwisit ng taganayon ang pagkapit ng mga buto nito sa pantalon at palda ng nagdaraan.
Isang bugtong na pampatawa dahil sa erotikong pahiwatig ang tungkol sa amorseko ngunit isinasadula ang abalang idinudulot ng amorseko sa sinumang makapitan ng mga buto nito:
Sa bukid nagsaksakan,
Sa bahay nagbunutan.
Itinuturing na peste ang amorseko sa pag-aalaga ng damuhan o lawn dahil pinapatay nito at inaagawan ng espasyo ang ibang damo. Makokontrol ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng higit na matibay na uri ng damo at sa paraang higit na makapal. May nabibili ring abono na may halong pestesayd upang puksain ang buto ng amorseko bago magkaugat.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Amorseko "