Ang alamat ay isang mahalagang bahagi ng panitikang-bayan na nagsasalaysay sa pinagmulan ng bagay-bagay sa daigdig.


Itinuturing itong paraan ng pagpapaliwanag ng ating mga ninuno sa kanilang kaligiran sa abot ng kanilang kaalaman at sa kanilang pinagmulan sa abot ng kanilang alaala.


Karaniwang isang salaysay ito hinggil sa tunay na mga pook, mga bahagi ng kalikasan, mga pangyayari, at mga tao. Marami sa mga ito ang nakabatay sa kasaysayan at nakaugnay sa sinaunang mito at kuwentongbayan. May katumbas itong leyenda sa Espanyol at legend (lé·dyend) sa Ingles.


Malimit na may sangkap na kagila-gilalas ang alamat. Ngunit malimit ding nagdudulot ito ng makabuluhang aral sa buhay, kaya mainam na kasangkapan sa edukasyon ng musmos at kabataan.


Halimbawa, ang alamat ng pinya. Isang istorya ito tungkol sa isang batang tamad at laging nagdadahilan na hindi makita ang inuutos ng ina. Bilang parusa ng engkantada, bigla siyang naging bunga na maraming mata. Ipinaliliwanag ng alamat kung bakit maraming tila “mata” ang bunga ng pinya. Ngunit nagdudulot din ito ng aral laban sa katamaran.


May taglay na halagahang panlipunan at pangkultura ang halos lahat ng mga alamat hinggil sa pinagmulan ng isang pook o halaman. Isang popular na alamat ang tungkol sa Bulkang Mayon, na bunga diumano ng nasawing pag-ibig ni Daraga Magayong dahil sa isang sakim na datu. Naging simbolo naman ng pag-asa ang bahaghari dahil sa alamat kung paano tumubò ang unang bahaghari sa mundo. Kinatatakútan naman ang pating dahil sa alamat na mula ito sa isang isinumpang usurero.


May alamat na nagsisiwalat sa paniwala’t kaugalian ng lahi o pangkat ng tao. Isang alamat ang nagkukuwento kung paanong nilikha ni Bathala ang unang mga tao sa pamamagitan ng paghubog sa luad at pagluluto sa nabuong anyo upang tumigas.


Gayunman, dahil hindi pa sanay sa pagluluto ay nagkaroon ng iba’t ibang kulay ang nalikhang tao. Ang unang anyong tao ay lubhang nagtagal sa kalan kayâ nasunog at pinagmulan ng lahing Itim.


Ang ikalawang anyong tao naman ay agad inalis sa kalan ni Bathala sa takot niyang masunog muli ito. Nahilaw ang ikalawa kaya pinagmulan ng lahing Puti.


Sa ikatlong pagkakataon, bihasa na si Bathala. Timplado ang luto niya sa ikatlong anyo, hindi sunog at hindi rin hilaw, at pinagmulan ito ng lahing kayumanggi, ang mga Filipino.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: