Balangaw ang sinaunang tawag sa bahaghari sa Tagalog at Ilonggo. Pangalan din ito ng katutubong bathala na si Balangaw (na binaybay ding Varangao sa ibang ulat) at sinaunang sagisag ng pag-asa.


Sa ibang alamat, ang balangaw ay isang tulay na naghuhugpong sa langit at sa lupa. Nang humiling si Manik Buangsi na bumalik sa langit, lumitaw ang isang putîng kabayo upang kaniyang sakyan at ang balangaw na nakaugpong sa ulap ang isang dulo.


Isang tagalangit si Manik Buangsi kayâ maaaring maglandas sa balangaw patungo sa langit. Ngunit nagdaraan sa mga pagsubok na mapanganib ang sinumang tagalupang umakyat ng balangaw.


Gayon ang dinanas ni Tuan Putli, asawang tagalupa ni Manik Buangsi, nang magpasiya itong umangkas sa kabayo paakyat sa langit. Kaya ibinilin ni Manik Buangsi na huwag didilat at lilingon ang asawa hábang naglalakbay sa balangaw. Sinikap ihulog si Tuan Putli ng malalakas na hangin. Nakarinig siyá ng mga nakatatákot na tinig. Ngunit hindi nakatiis si Tuan Putli nang marinig ang tinig ng ina. Dumilat siyá upang makita ang ina at hinigop ng lakas pabagsak sa lupa.


Sang-ayon naman sa Banal na Kasulatan, ang balangaw o bahaghari ay sagisag ng pangako ng diyos na si Yahweh na hindi niya gugunawin ang lupa sa pamamagitan ng baha. Laking pasalamat ni Noe nang lumitaw ang makulay na balangaw pagkatapos ng napakatagal na dilubyo.


Itinuturo ng agham na ang balangaw ay isang pangyayaring optiko at meteorolohiko. Nagkakaroon ng bahaghari kapag nagdaan ang sinag ng araw sa patak ng ulan sa atmospera ng Lupa.


Tila ito balantok o arko ng maraming kulay. Binubuo ito ng pitong pangunahing kulay na pula, kahel, dilaw, lungtian, bughaw, puláng lila, at lila.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: