Ang buhawi ay tumutukoy sa malakas at papaikot na bugso ng hangin na may dalang ulan at kadalasang naglalakbay sa direksiyong kanluran at hilagang-kanluran mula sa Karagatang Pasipiko.


Tinatawag itong tornado sa Kanluran. Nabubuo ito kapag umiinit o tumataas ang temperatura ng hangin mula sa lupa at dagat na nagiging dahilan ng pagsingaw ng tubig mula sa karagatan. Sa ganitong paraan nabubuo ang mga kulumpon ng ulap na pinanggagalingan ng mga pagkulog at pagkidlat. Kapag lumamig ang hangin mula sa mga kaulapang may kulog at kidlat, nagsisimulang humalo ito sa mainit na hangin mula sa kalupaan at dito mabubuo ang bugso ng hanging gumagalaw nang paikot hanggang sa lumaki at maging ganap na buhawi.


Ang buhawi ay lumilikha ng malalaking alon at nakasisira ng pananim at bahay. Nararanasan ito sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo maliban lamang sa kontinente ng Antartika.


Pangkaraniwang 12 hanggang 24 na buhawi ang tumatama sa bansa kada taon. Pinakamalalakas ang buhawi noong 14 Hunyo 1990 na tumama sa isang nayon, nagwasak ng umaabot sa 50 bahay, at maraming pininsala; ang buhawi noong 2 Hunyo 1994 na dumaan sa ilang nayon ng Cagayan de Oro at pumatay ng ilang tao; ang buhawi noong 16 Oktubre 1994 na gumulo sa sentro ng ebakwasyon sa San Fernando, Pampanga.


Maaaring tumama ang isang buhawi sa anumang lugar sa bansa, lalo na sa mga kalupaaan ng Mindanao at Gitnang Luzon. Subalit ayon sa mga siyentista, parami nang parami ang buhawing nararanasan ng Filipinas, halos apat na buhawi kada buwan, bunsod ng global warming.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: