Sino si Jose Algue?


Si Jose Algue (Ho·sé ál·ge) ay isang Heswitang naging kilalang meteorologo at siyentista. Naging direktor siya ng Manila Observatory at namuno ng unang Philippine Weather Bureau noong Panahon ng mga Amerikano. Isinulat niya ang Baguios o Ciclones Filipino noong 1897 at La Nubes en el Archipelago Filipino noong 1899, mga unang pag-aaral sa bagyo sa bansa. Kilala siyá sa kaniyang imbensiyong barocyclonometer noong 1897.


Isinilang siya noong 22 Disyembre 1856 sa Manresa, Espanya, nag-aral sa eskuwelahang Espanyol, at pumasok na Heswita noong 17 Hulyo 1871 sa Andora. Noong 1889, nakilala niya ang Heswitang si Fr. Federico Faura, isa ring siyentista.


Noong 1891, ipinadala siya sa Georgetown University sa Washington DC para palawakin pa ang kaniyang pagaaral sa meteorolohiya, seismolohiya, at astronomiya. Kasama si Fr. Faura, pumunta sila sa iba’t ibang obserbatoryo sa Amerika at Europa, at dumating sa Filipinas noong 3 Pebrero 1894. Ang kaniyang Baguios o cyclones Filipinos: Estudio teorico-practico noong 1894 ang unang saliksik hinggil sa mga bagyo sa bansa. Noong 1897, naimbento niya ang barocyclonometer para sa mga bagyo sa Filipinas at Asia.


Kinilala ng mga Amerikanong militar ang halaga ng pag-aaral ni Algue kaya personal siyang dinala kay Admiral Dewey. Mula noon, si Fr. Algue at ang Manila Observatory ay naging mahalaga sa kolonyalismong Amerikano. Noong 1899, inirekomenda nina Dean Conant Worcester at Charles Denby ng Schurmann Commission ang pagtatayô ng Philippine Weather Service at si Fr. Algue bilang unang direktor nitó.


Noong 1900, sa ilalim ng direksiyon ni Algue, inilabas ang atlas ng Filipinas, isang resulta ng maraming taón ng kaniyang pag-aaral. Noong 22 Mayo 1901, sa ilalim ng Act. No. 131 ng Philippine Commission, ang Manila Observatory ay naging Philippine Weather Bureau. Noong 1905, bumalik sa bansa si Algue at nagkaroon ng unang warning system para sa mga bagyo ang Weather Bureau.


Sa mga huling taon ng kaniyang pamamalagi sa bansa, nakapagpagawa siya ng 159 weather station, pati na ang 2 magnetic and seismic station. Noong 1924, nagretiro siya sa Manila Observatory, nagbalik sa Tortosa, at namatay noong 27 Mayo 1930. Ang Manila Observatory ay nasira noong World War II. Sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 78 noong Batas Militar ay pinalitan ito bilang PAGASA.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr