Ang batas militar ay pagpapataw ng kapangyarihang militar sa isang lugar dulot ng pangangailangan.


Ipinatutupad ito kapag ang pamahalaang sibilyan ay hindi nakagaganap sa tungkuling gaya ng pagpapanatili ng kaayusan ng lugar, hindi makontrol ang kaguluhan at protesta, nagkaroon ng malawakang paglabag sa batas, o may giyera at pananakop.


Karaniwan sa sitwasyong ito na ang militar na may pinakamataas na ranggo ang nagiging pangulo ng pamahalaang militar at nagtataglay ng kapangyarihang ehekutibo, lehislatibo, at hudisyal.


Maaari rin namang ang pangulong sibilyan ang magdeklara at mangasiwa nito sa tulong ng hukbong militar. Sa panahong ito naghihigpit ng curfew, nabubuwag ang batas at karapatang sibil at habeas corpus, at ginagamit ang batas militar sa mga sibilyan gaya ng paghaharap sa kanila sa tribunal na pangmilitar.


Dumanas na ang Filipinas ng batas militar sa iba’t ibang panahon.


Noong Agosto 1896, kumalat ang himagsikan sa walong probinsiya ng Maynila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Tarlac, Laguna, Batangas, at Nueva Ecija kaya isinailalim ni Governor-General Blanco ang mga ito sa batas militar.


Noong Mayo 1898, itinatag naman ng unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo ang isang pamahalaang diktatoryal na pinalitan ng pamahalaang rebolusiyonaryo noong Enero 1899.


Nang masakop ng Japan, isinailalim ni Jose Laurel ang bansa sa batas militar sa pamamagitan ng Proclamation No. 29 noong 21 Setyembre 1944. Ika-21 din ng Setyembre ng 1972 nang ideklara ni Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081 ang pagsasailalim ng Filipinas sa batas militar.


Tumagal ito ng siyam na taon at natapos noong 17 Enero 1981, ang pinakamatagal na pagsasailalim sa batas militar sa kasaysayan ng bansa.


Sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo, isinailalim sa state of national emergency ang bansa noong Pebrero hanggang Marso 2006 dahil sa mga kudeta at kritisismo laban sa kaniyang lehitimong pamumuno; sa bisa naman ng Proclamation No. 1959, isinailalim niya ang Maguindanao sa isang batas militar matapos ang Maguindanao Massacre noong Disyembre 2009 na naging pinakamalalang insidente ng karahasang politikal sa kasaysayan ng bansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: