Ang Palimbang Massacre
Isa sa mga pinakamadugo pero halos nalimutan nang tagpo sa ating kasaysayan sa panahon ng Batas Militar ang isang masaker na nangyari sa maliit na bayan ng Palimbang, lalawigan ng Sultan Kudarat sa Mindanao sa araw na ito (Setyembre 24) noong 1974.
Dalawang taong pa lang mula noong ideklara ang Batas Militar sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos, inatake at binomba ng 15th, 16th, 19th and 27th Infantry Batallion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bayan ng Palimbang, na sinasabing pinagkutaan ng mga rebeldeng Muslim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sinugod ng mga sundalo ang naturang bayan, at partikular na sa Brgy. Malisbong, mahigit 1,500 katao; lalaki, babae, bata man o matanda, ang ipinasok sa Tacbil mosque at pinagbabaril ang mga kalalakihan habang ginahasa at inabuso ang mga kababaihan. Ilang mga testimonya rin ang isinalaysay, na pinaghukay pa umano ang ilang mga biktima ng malalim na hukay bago sila barilin.
Winasak at sinunog rin ng militar ang mahigit 300 kabahayan sa naturang barangay. Kasabwat rin sa malagim na insidenteng ito ang mismong Gobernador ng Sultan Kudarat na si Gonzalo H. Siongco, na nag-apruba ng direktiba ng AFP Central Mindanao Command ng pambobomba sa bayan ng Palimbang para mapulbos ang mga rebeldeng MILF na nagtatago umano roon. Sa loob lang ng halos isang buwan, mahigit 1,500 katao ang pinatay sa Malisbong, habang mahigit 3,000 kababaihan at mga bata ang ikinulong ng militar.
Taong 2011 nang hiningi ng MILF ang danyos para sa mga nabiktima ng nangyaring masaker sa Palimbang. Bilang pagtupad sa Republic Act no. 10368 o Human Rights Victims Reparations and Recognition Act of 2013, ibinigay rin ng pamahalan ng Pilipinas ang hinihinging danyos para sa mga naging biktima, dahil parte rin sila ng mga inabusong indibidwal noong panahon ng Batas Militar ni Pangulong Marcos. Tumulong rin ang Commission on Human Rights sa pagbibigay ng kaukulang danyos na may kabuuang mahigit 10 bilyong piso para sa lahat ng mga biktima ng Batas Militar, kasama na ang mga biktima ng nangyari sa Palimbang.
Isa ang nangyari sa Palimbang noong 1974 sa mga serye ng pang-aabuso ng militar sa Mindanao noong panahon ng Batas Militar.
Sanggunian:
• Bueza, M. (2018, September 21). False: ‘No massacres’ during Martial Law. Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/fact-check/false-no-massacres-during-martial-law
• Guiam, R. C. (2019, September 23). Memorializing the 1974 Palimbang massacre. Inquirer.net. https://opinion.inquirer.net/124138/memorializing-the-1974-palimbang-massacre/
• Wikipedia (n.d.). Palimbang massacre. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Palimbang_massacre
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang Palimbang Massacre "