Pantingan River Massacre
Habang naaalala natin ang Bataan Death March bilang isang malaking war crime ng mga pwersang Hapones sa ating bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang madugo pero halos nalimutan nang yugto ng ating kasaysayan sa panahon ng kalupitan ng mga sundalong Hapones ang nagmarka sa ilog Pantingan sa loob ng dalawang araw, at sa araw na ito noong 1942, natapos na ang mahabang serye ng walang habas na pag-masaker sa mga sundalong Pilipino at Amerikano na nabihag ng mga sundalong Hapones.
Ika-11 ng Abril, 1942 nang sinimulang pinaglinya sa tabi ng ilog Pantingan na naghihiwalay sa mga bayan ng Pilar ay Bagac sa Bataan, ang nasa 300-400 sundalo at opisyal na Amerikano at Pilipino ng 1st, 11th, 71st, at 91st Philippine Commonwealth Army Division. At sa utos ni Brigadier Gen. Akira Nara ng 122nd Army Regiment ng hukbong Hapones, maramihang pinagbabaril, binayoneta o pinugutan ng mga sundalong Hapones ang mga disarmado at walang kalaban-labang mga preso. Bago ang pag-masaker, isang sibilyang Hapones na nagsilbing interpreter para sa mga sundalong Hapones ang naghayag sa mga presong Pilipino at Amerikano na hindi nila sana sasapitin ang ganoong kapalaran kung napaaga ang kanilang pagsuko, at ang pagpatay sa kanila ay para sa mga kalahi niyang napatay sa pakikipaglaban sa mga Pilipino.
Grupo-grupo ng mga presong Pilipino at Amerikano ang pinaglinya sa tabing-ilog at saka pinagpapaslang, at saka rin isasalang ang bagong grupo para patayin. Pero hindi lahat ng mga presong Pilipino ay napatay sa brutal na pamamaraang ito ng mga Hapones. Isa sa mga nakaligtas mula sa masaker si Maj. Pedro Felix, na kahit ilang beses nang binayoneta ay nagawa pa rin niyang makatakas mula sa tambak ng mga bangkay ng kanyang mga kabaro at makabalik sa Maynila. Kabilang rin sa mga naiwang buhay mula sa kahindik-hindik na tagpong iyon sina Lt. Manuel Yan, na naging AFP chief of staff at naging Embahador ng Pilipinas sa Thailand at Indonesia, at si Capt. Ricardo Papa, na naging hepe ng Manila Police Department.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pantingan River Massacre "