Ang batas ay isang alituntuning itinakda ng mga mambabatas o isang nakaugaliang tuntunin na sinusunod ng isang lahi, lipunan, o bansa. Tinatawag itong balĂ­dha ng mga Hiligaynon.


Sa Filipinas, may sangay ng pamahalaang tinatawag na Kongreso at siyang may pangunahing tungkuling lumikha ng mga batas. Mayroon ding mga ordenansa na batas o regulasyong pampubliko, mga alituntuning pinagtitibay ng sanggunian sa isang barangay, bayan, o lungsod at pinaiiral sa nasasakupang pook o lokalidad.


Ang Saligang-Batas o Konstitusyon ng Pilipinas ang kataas-taasang batas sa bansa. Ang kasalukuyang umiiral ay pinagtibay noong 2 Pebrero 1987 sa isang plebisito na mahigit sa 3/4 o 76.37% ng mga humalal (17,059,495) ang bumoto ng sang-ayon dito at 22.65% (5,058,714 ) ang bumoto ng laban sa pagpapatibay nito.


Bago ang kasalukuyang konstitusyon, ilan sa mga naunang saligang batas sa Filipinas ang Saligang-Batas ng Biyak-na-Bato noong 1897, Saligang Batas ng Malolos noong 1899, Saligang-Batas ng 1935, ng 1943 at ng 1973. Sumasaklaw sa pagbabago ng pamumuno sa kasaysayan ng Filipinas ang mga taon ng pagbabago ng saligang batas.


Noong 1986, kasunod ng People Power Revolution na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos bilang pangulo ng bansa, isa sa mga unang atas ni Pangulong Corazon Aquino ang paglikha ng isang bagong konstitusyon. Nagisyu si Pangulong Aquino ng Proklamasyon Bilang 9 na lumilikha ng isang Komisyong Pangkonstitusyon upang ibalangkas ang isang bagong konstitusyon na papalit sa 1973 Saligang Batas ng Pilipinas at ipinatupad noong panahong batas militar ng Rehimeng Marcos. Humirang si Aquino ng 50 kasapi sa komisyon na nagmula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.


Noong Pebrero 11, 1987, ang bagong konstitusyon ay ipinahayag na napagtibay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: