Moro
Nagmula naman ito sa pangalan ng pangkating Muslim na sumakop sa Espanya at iba pang pook sa Europa noong 711. “Móro” ang pangkalahatang itinawag ng mga Espanyol sa ang totoo’y mga Berber, pinaghalòng mga Itim at mga Arabe mulang Hilagang Aprika.
Ang pangalang “Móro” ay nagmula sa isang maliit na kahariang Maure sa Aprika, tinawag na Maurisi ng mga Griyego at Mauri ng mga Romano.
Nagmula naman sa “Móro” ang mga pang-uring moréno para sa kutis na medyo maitim at morísco para sa kakaibang katangian ng kulturang iniwan ng mga Muslim sa Granada.
Unti-unti lámang nabawi ng mga Kristiyano ang mga lupaing Espanyol sa kampanyang tinawag na Reconquista.
Noong 1212, nabawi ng koalisyon ng mga Kristiyanong hari ang Gitnang Iberia. Ngunit nanatili ang kahariang Móro sa Granada hanggang noong 1492 na magwagi ang hukbo ng mag-asawang Fernando II ng Aragon at Isabela I ng Castilia, ang unang hari at reyna ng nabuong Espanya.
Taglay ng pagtawag na “Móro” sa mga Muslim sa Filipinas ang prehuwisyong Espanyol sa dati niláng mananakop. Itinuturing naman itong sagisag ng hindi pagsuko sa kapangyarihang kolonyal lalo ng kilusang nag-aadhika para sa isang “Bangsa Moro” sa Mindanao at Sulu.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Moro "