Mujahideen
Ang mujahideen (mu·ja·hi·din) ang tawag sa mga Muslim na nagsasagawa ng jihad.
Ang jihad ay mula sa mga salita ni Muhammad at ng Koran. Kinilala bilang ansar ang mga taong tumulong kay Muhammad at muhajir, nangangahulugang imigrante, dahil lumipat silá sa Medina matapos ang naganap na persekusyon sa Mecca. Sinamsam ang mga ari-arian ng mga muhajir sa Mecca kayâ nanawagan ng jihad si Muhammad.
Unang ginamit ang mujahideen upang ilarawan ang grupong Afghan na lumaban sa mga Ingles noong siglo 19.
Noong 1829, matapos maglakbay sa Mecca, nagsermon si Sayyid Ahmed Shah Brelwi hinggil sa digmaan laban sa mga hindi naniniwala sa Islam na nása hanggahan ng hilagang kanluran ng British India. Nang mamatay si Sayyid, nagpatuloy ang naturang grupo.
Pinakabantog na mujahideen ang iba’t ibang grupong oposisyon sa Afghan na nagrebelde laban sa pamahalaang Democratic Republic of Afghanistan (DRA) na tagasuporta ng Unyong Sobyet noong mga taóng 1970. Kinalaban nilá ang mga hukbo ng Sobyet at DRA. Noong 1985, nabuo ang Islamic Unity of Afghanistan Mujahideen mula sa pitóng partido ng mujahideen sa bansa.
Mayroon ding mujahideen sa mga bansang gaya ng Burma noong Pag-aalsang Arakan ng dekada 50; Bosnia noong Digmaang Bosnia mula 1992 hanggang 1995; India at Pakistan dahil sa alitan sa teritoryo ng Kashmir; Iran noong Rebolusyong Irani ng 1979 at Digmaang Iraq-Iran; Iraq noong Digmaang Iraq ng 2003 laban sa Estados Unidos at mga alyado nitó; Russia noong Digmaang Chechen noong 1990s; Kosovo noong Digmaang Kosovo mula 1997 hanggang 1999; Somalia nang magkaroon ng Digmaang Sibil dito na nagsimula noong 1991; at Syria sa Digmaang Sibil nito na nagsimula noong 2011.
Sa Pilipinas, nagdeklara ng jihad ang mga organisasyong Islam gaya ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Abu Sayyaf laban sa pamahalaan ng Republika ng Pilipinas.
Ang mga miyembro ng grupong Abu Sayyaf ay nakapag-aral sa Saudi Arabia at nagkaroon ng koneksiyon sa mujahideen ng Afghanistan. Idineklara ng Abu Sayyaf ang sariling grupo bilang mujahideen.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Mujahideen "