Sa bisa ng Batas Claveria (Ba·tás Kla·vér·ya) na ipinanukala noong 21 Nobyembre 1849, lahat ng Filipino ay kailangang mamili ng apelyido mula sa listahang nasa librong Catalogo Alfabeticos de Apellido.


Ipinangalan ang nasabing batas sa tagapagsulong nito na si Gobernador-Heneral Narciso Claveria, tubong-Geronia, Espanya na nagsilbing gobernador-heneral ng Filipinas mula 1844 hanggang 1849.


Hangarin ng Batas Claveria na mapadali ang pagpapalaganap ng hustisya, pagsesenso, pagkolekta ng mga buwis, at pagpapabuti ng pamamahala ng kolonya.


Ang nasabing batas ang dahilan kung bakit maraming Filipino sa kasalukuyan ay may mga apelyidong Hispaniko o mga pangalang hinango sa mga halaman, hayop, at pook heograpiko.


Bukod dito, karamihan sa mga puweblo o bayan ay hindi nakatanggap ng buong kopya ng Catalogo kundi tig-ilang pahina lamang nito kung kaya’t limitado ang mga apelyidong mapagpipilian.


Bunga nito, maaaring malaman kung saang bahagi ng bansa nagmula ang isang Filipino batay sa kaniyang huling pangalan. Halimbawa, sa probinsiya ng Albay, karamihan sa mga tagalungsod ng Tabaco ay may mga apelyidong nag-uumpisa sa letrang “B” habang malimit na ang mga huling pangalan ng mga taga-Polangui ay nag-uumpisa sa letrang “S.”


Ang ibang pamilyang Filipino ay patuloy na gumamit sa kanilang mga katutubong apelyido tulad ng Gatmaitan, Dimagiba, Dimaano, at Batungbakal. Gayunman, ang nasabing patakaran ay nagbunga ng isa sa pinakamalinaw na tatak ng kolonisasyon ng Espanya sa Filipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: