Ano ang adwana?


Tinatawag na Adwana ang ahensiya o opisina ng pamahalaan na may tungkuling mangolekta ng mga ipinapataw na buwis sa mga kalakal na ipinapasok mula sa ibang bansa at ng bayad para sa paggamit ng mga kasangkapan at serbisyo sa mga piyer at paliparan.


Pinamamahalaan at kinokontrol din nitó ang pagpasok at paglabas sa bansa ng iba’t ibang uri ng produkto kagaya ng mga personal na kagamitan, sasakyan, pagkain, hayop, halaman, at iba pang gamit na maaaring patawan ng buwis.


Mula ito sa Espanyol na aduana at may gayunding kahulugan. Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol nagtatag ng opisina upang maningil ng kaukulang buwis sa mga tao at kalakal na nagdaraan sa mga piyer ng Maynila.


Ang Kawanihan ng Adwana (Bureau of Customs) ngayon ang may ganitong tungkuling mag-inspeksiyon at magtása sa mga kalakal na pumapasok sa Pilipinas. Nagiging bahagi ang nalilikom na salapi ng pambansang pondo ng gobyerno para sa mga proyektong pambayan.


Mayroon nang sariling sistema ng adwana ang mga katutubong Filipino bago pa dumating ang mga Espanyol. Nagbibigay ng buwis noon pa ang mga dayuhang mangangalakal sa naghaharing raha o datu ng barangay.


Ipinagpatuloy ng mga mananakop na Espanyol ang ganitong kalakaran sa pamamagitan ng pagpataw ng buwis na ad valorem sa lahat ng kalakal. Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos, nagbalangkas ang Philippine Commission ng mga batas na gagabay sa pangongolekta ng buwis sa mga inaangkat na kalakal.


Sa kasalukuyan, ang sistema ng adwana sa Pilipinas ay ginagabayan ng Tariff and Customs Laws of the Philippines. Ang Kawanihan ng Adwana sa Pilipinas ang isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng pondo ng gobyerno. Nakalilikom ito ng mahigit isang bilyong piso taon-taon mula sa ipinapataw ng buwis sa mga inaangkat at iniluluwas na kalakal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: