Ang raha ang pinakamakapangyarihang datu ng isang bayan na binubuo ng mula apat hanggang sampung barangay. Ang salitang ito ay nanggaling sa India at nakarating sa Filipinas mula sa Indonesia at Malaysia. Malimit din itong ginagamit bilang katawagan ng paggalang sa mga pinuno ng sinaunang lipunang Muslim sa Pilipinas.


Bago dumating ang mga mananakop na Espanyol, kabĂ­lang ang Cebu, Maynila, Tundo, Sulu, at Cotabato sa mga lugar sa Filipinas na may mga pamayanang napapailalim sa isang raha. Ilan sa mga raha na nakaharap ng mga Espanyol ay sina Raha Sulayman ng Maynila at Raha Tupas ng Cebu.


Kagaya ng datu sa mga barangay, ang raha ay may kasamang konseho ng mga nakatatanda na katuwang niya sa iba’t ibang aspekto ng pamamahala. Bagaman umiiral ang ganitong konseho na nagbibigay ng payo tungkol sa pamamahalang pamayanan, ang kapangyarihan ng raha sa lahat ng aspekto ng pamumuhay sa bayang sakop niya ay ganap.


Sa isang ulat, halimbawa, tungkol sa raha ng Tundo, sinasabing lahat ng pamayanang sakop niya ay nagbibigay ng tributo at nag-aalay ng iba’t ibang uri ng paglilingkod sa kaniya. Maging ang mga mangangalakal na Tsino na dumaraan sa teritoryo niya ay nagbabayad para maidaong ang kanilang mga sasakyang-pandagat.


Bukod dito, nabibili ng raha ang mga produkto ng mga mangangalakal na Tsino sa kalahati lamang ng halaga nito at may monopolyo siya sa pagtitinda ng mga nasabing produkto sa mga mamamayang nakatira sa mga barangay na kumikilala sa kaniyang kapangyarihan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr