Tumutukoy ang Tsino (mula sa Espanyol na chino) sa wika, kultura, at tao na may lahing mula sa Tsína (China). Isang higit na popular na tawag ang Intsík, ngunit mainam iwasan dahil malimit na gamitin ito nang may bahid ng mapanghamak na layunin.


Katulad ito ng nakamihasnang pagtawag na “Móro” sa lahat ng Muslim at pamana ng gayunding mapanghamak na pagtukoy noon ng mga kolonyalistang Espanyol sa sinumang Muslim.


Tinatawag ding “Sángley” ang mga Tsino, at nagbuhat diumano ito sa “seng-li” na nangangahulugang makipagkalakalan.


Marahil, ito ang sinasabi ng mga mangangalakal na Tsino noon kapag dumaong sila sa Pilipinas. Ibig nilang makipagpalitan ng kalakal. Ang nahuhukay ngayong kagila-gilalas na bilang at uri ng porselana’t luad na tapayan at banga ay pruweba ng sinauna’t matalik na kalakalan ng mga Filipino at mga Tsino.


Sa Intramuros, sa panahon ng pananakop, bukod sa mga Sangley ay naging mahalagang manggagawa ang mga Tsinong mason, panday, karpintero, panadero, kusinero, manlilimbag, barbero, labandero, at tindero. Natigib ang parian sa mga serbisyong ito at lumigwak hanggang sa ibayo ng Pasig at sa pook na sinasakop ng Chinatown ngayon sa Maynila.


Malaking bahagi ng kulturang Filipino ang nakaugat sa Tsino. Tsino ang mga katawagan ng paggalang na gaya ng ate, sanse, kuya, sangko, at diko; at kaipala kahit ang kaugnay na mga hálagáhang pampamilya, gaya ng malakihang pagkakamag-anak.


Namihasa na rin ang panlasang Filipino sa pagkaing Tsinong lumpiyâ, pansít, siyopaw, hopyà, tokwa, at napakarami pa.


Malaking bahagi ng bokabularyo ng mga wika ng Filipinas ay mga salita mulang Tsino, bukod sa hindi maikakaila ang impluwensiyang Tsino sa sining na gumamit ng talinong Tsino noong panahon ng Espanyol.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr