Chinatown
Nakasentro ito sa mga distrito ng Binondo at San Nicolas. Hinango ang pangalang Binondo sa salitâng Tagalog na “binundok,” na tumutukoy sa dáting maburól na kalupaan ng lugar.
Noong panahon ng Espanyol, isla ang Binondo sa gawing hilaga ng Ilog Pasig. Dati namang nakatira ang mga Tsino sa Parian (ngayo’y Mehan Garden); pero sa pagdami nila at ibang dahilang politikal, inilipat sila sa Binondo noong 1594, sa kautusan ni Gobernador Luis Perez Dasmarinas bilang permanenteng pamayanan ng mga dayuhang Tsino na nagpabinyag sa relihiyong Katoliko.
Ang tawag ng mga Espanyol sa mga Tsinong ito ay “sangleys.” Kinikilala rin ito bilang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo.
Kalye Rosario ang pangunahing kalye noon sa Binondo. Tinutumbok nito ang Plaza Calderon de la Barca at ang matandang Simbahang Binondo na itinayo noong 1596. Nakahanay ngayon sa Rosario ang pinakamalalaking bangko sa Pilipinas. Sa gawing kaliwa ng Plaza Calderon ang Kalye San Fernando. Dito itinayo ang Alcaiceria de Binondo, dating lugar ng adwana at mga tindahan ng pakyaw.
Sa kasalukuyan, ang Alcaiceria ay museo at aklatan.
Nasa púsod ng Chinatown ang Kalye Ongpin. Nakahilera rito ang mga tindahan ng alahas, talyer ng platero, mga puwesto ng ipinagbibiling halamang-gamot, prutas, alagang-hayop, panregalo, restoran ng pagkaing Tsino, at iba pang panindang hindi makikita sa ibang lugar sa Maynila.
Nasa tapat ng kalyeng Ongpin ang Simbahan ng Santa Cruz na itinayo noong 1608.
Dinarayo rin sa Chinatown ang Templo ng Sampung Libong Buddha at ang mga pistang Tsino. Isang pagdiriwang ang Bagong Taon ng mga Tsino, ginaganap sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 19 at tinatampukan ng mga sayaw-dragon, tula, at handaan. Isa pa ang Pista ng Buwang Agosto na tinatampukan din ng sayaw, nakaugaliang parada, at eksibisyon ng kung fu.
Noong dekada 80 nang magkaroon ng krisis pampinansiya sa bansa, binansagan itong “Binondo Central Bank” dahil malakihang nagpapalit dito ng dolyar ang mga Tsinong negosyante na siyang nakapagdidikta ng presyo ng piso sa dolyar.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Chinatown "