On

 

pakyaw

Pakyaw


Ang salitâng pakyáw ay pakyáw sa mga wikang Bikol, Hiligaynon, Iluko, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, Tausug, at Waray at may iisang kahulugan. Tumutukoy ito sa komersiyo ng pagbili o pagbibili nang maramihan o lahatan. Pakyó ito sa Kapampangan, at tinatawag ding tingób sa Sebwano at Hiligaynon, tigdà sa Waray, at lansákan sa Tagalog. Ngunit mula ang pakyáw sa “pak kaw” ng wikang Tsino: ang “pak” ay pagtali-taliin o pagsamá-samáhin at “kaw” ay dalhin o ideliver.


Ang pakyáw ang kabaligtaran ng tingî. Ang namamakyaw—tawag sa bumibili nang pakyáwan—ay may layuning tumubò nang malaki sa pamamagitan ng pagkontrol sa suplay ng isang produkto. Halimbawa, may namamakyaw ng mangga at pinipresyuhan na ang ani ng isang manggahan kapag maliit pa ang mga bunga sa punongkahoy. Bahagi ng panganib sa ganitong negosyo ang posibleng pagdating ng bagyo o peste. May pamamakyaw namang maituturing na hoarding—ang bawal na pag-iimbak ng kailangang produkto. Namamakyaw ang namamakyaw ng palay sa anihan ngunit sa napakamúrang halaga dahil kailangang-kailangan ng mga magsasaka ang salapi. Itinatago sa kamalig o bodega ang pinakyaw na palay at inilalabas kapag tag-ulan at napakataas na ang presyo ng bigas.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr