On
Sa pamilihan, tingi ang tuwirang pagbibili ng paninda sa mga mamimíli sa paraang paisa-isang piraso. Isang matandang Tagalog ito at maganda ang kahulugang itinala sa isang lumang bokabularyo: “comprar con moderacion” at “dar o gastar moderadamente.”


Ang pagbili nang tingi ay may kalakip na pagpipigil at pagtitipid at laban sa pagiging bulagsak. Ang pagtitinda nang tingian, sa gayon, ay sagot sa biglaan at maliitang pangangailangan.


Tinuligsa ito ni Nick Joaquin (1988) bilang tatak ng “pamanang pangmaliitan” (heritage of smallness) at tulad ng sari-sari istor ay sagisag ng pagkukulang sa dakilang pangarap ng mga Filipino. Dito lamang daw marahil sa Pilipinas may buy and sell ng isang istik ng sigarilyo, kalahating ulo ng bawang, o sampahid ng pomada.


Samantala, tinuligsa din noon ang pangyayaring kontrolado ng mga banyaga ang negosyong tingian sa bansa. Kaya noong 24 Hunyo 1954, sa kabilâ ng malaking kampanya ng mga komersiyanteng dayuhan, ay pinagtibay ang Batas ng Republika Blg. 1180 o “Retail Trade Nationalization Act” upang protektahan ang mga negosyanteng Filipino. Pangunahing tadhana ng batas ang sumusunod:

“Walang tao na hindi isang mamamayan ng Filipinas,

at walang kapisanan, sosyohan, o korporasyon na may

puhunang hindi ganap na pag-aari ng mga mamamayan ng

Filipinas, na maaaring lumahok nang tuwiran o di-tuwiran

sa negosyong tingian.”


Patunay na dahil isang pambansang ugali ang tingî, isang malaking negosyo ang tingian kaya dapat alagaan ng batas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr