Sari-Sari Istor
Karaniwang makakikita ng mga sari-sari istor sa bawat komunidad o barangay. Isa itong maliit na negosyong pantahanan, kung kaya’t halos sa bawat kalye o maliit na pamayanan ay mayroon nito. Kung minsan pa nga, halos magkakasunod ang mga tindahan sa iisang lugar.
Kumbinyente at praktikal ang mamili sa mga sari-sari istor. Bukod sa karaniwang mayroon nito malapit sa sariling bahay, puwede ring makabili nang tingi o paisa-isa o papira-piraso lamang. Bagaman maaaring mas mahal nang kaunti kaysa bumili sa palengke o groseri, tiyak na walang masasayang dahil ang binibili ay iyon talagang kailangan lamang.
Marami ring naeengganyong magtayo ng sari-sari istor dahil nagsisilbing dagdag na kita ng pamilya at maliit lamang ang puhunan. Tinatangkilik naman ito ng mga mamimili dahil mas abot-kaya nila ang bumili nang tingi o paisa-isang piraso lamang.
At dahil karaniwang kapitbahay lamang ang may-ari ng tindahan at magkakilala ang mga mamimili at may-ari ng tindahan, umiiral din ang sistema ng pagpapautang.
Bukod sa pagiging isang negosyo, ang sari-sari istor ay karaniwan ding nagiging daluyan ng impormasyon sa isang pamayanan. Dito nakapagtatanong ang mga dayong may hinihanap na tao o bahay sa komunidad.
Dito rin nasasagap ang iba’t ibang balita may kinalaman sa buhay-buhay ng mga naninirahan sa paligid ng tindahan. Kaya naman, karaniwan nang makakita ng mga bangko at umpukan ng tao sa harap ng sari-sari istor.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sari-Sari Istor "