Palengke
Ano ang Palengke?
Pook o sentro ng kalakalan at pamilihan ang paléngke para sa pamamahagi ng pagkain at iba pang produktong kinokonsumo at kailangan ng mga tao. Mula ito sa salitâng Mehikano na palenque at kasingkahulugan ng Espanyol na mercado o pamilihan. Sa buong bansa, may makikitang pampublikong palengke sa bawat bayan na karaniwang pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan na siyáng nagpapaupa ng mga puwesto sa mga tindera at komersiyante. Karaniwan itong natatagpuan sa gitna ng poblasyon at nagsisilbing panghikayat sa pagtatatag ng tindahan at kalakalang pribado sa pali-paligid.
Isa sa pinakamalaking palengke sa bansa ay makikita sa Divisoria Nasasakop nitó ang tatlong lugar sa Maynila, ang Binondo, Tundo, at San Nicolas. Nagsimulang maging sentro ito ng kalakalan noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Dahil sa pagbabawal sa mga di Kristiyanong Tsino na manirahan at magnegosyo sa Intramuros, nagtayô ang mga komersiyanteng Tsino ng sarili niláng lugar para makapagtinda sa Binondo hanggang umabot ito sa kabuuan ng Divisoria. Naging masigla ang kalakalan dito dahil nandirito ang estasyon ng tren, ang Tutuban Central Station, na pangunahing nagiging bagsakan ng mga produktong gáling sa iba’t ibang bahagi ng bansa. May panahon ding sa Divisoria ang mga estasyon ng bus patungong mga probinsiya sa hilaga at timog ng Maynila.
Bilang pagkilála sa malaking kontribusyon ng mga lokal na pamilihan sa ekonomiya ng bansa, idineklara ang ikatlong linggo ng Mayo bilang National Public Market Week sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 175. Nababago ngayon ang tradisyonal na kahulugan ng palengke dahil sa pagbubukás ng mga naglalakihang supermarket at groseri na pinapatakbo ng mga malaking negosyante.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Palengke "