On
Ang Divisoria (Di·vi·sór·ya) ay kilalang pamilihan sa Maynila hindi lamang dahil sa bagsak-presyong mga bilihin kundi dahil dito rin matatagpuan ang halos lahat ng produktong hanap ng isang mamimili, mula sa isang tumpok ng kalamansi na hanap ng magtitingi hanggang sa kaing-kaing na mangga na hanap ng mamamakyaw.


Ito rin ang lugar na nagtatagpo ang lahat ng uri sa lipunan, ang mayayaman upang mamili ng mga materyales para sa kanilang luho at ang mahihirap upang makatipid para sa kanilang mga pangangailangan.


Ang Divisoria ay umusbong bilang isang komersiyong distrito sa pusod ng Maynila. Nagkakanlong ito sa Tundo, Binondo, at San Nicolas at hinahati ng Abenida Claro M. Recto.


Mula sa pangunahing kalsadang ito, lumitaw ang iba’t ibang pamilihan sa mga sanga-sangang daanang tulad ng Juan Luna, Ylaya, Asuncion, Sto. Cristo, Tabora, atbp at ang bawat isa ay kilala para sa isang partikular ng kalakal.


Sa katunayan ang kalye Ylaya ay masasabing isang pinaliit na Divisoria dahil sinasalamin nito ang nasabing pamilihan.


Panahon pa ng Espanyol, ang Divisoria ay sikat na bilang isang lugar ng kalakalan. Hindi ito nakapagtataka ito dahil ang lokasyon ay akma sa ganitong aktibidad. Malapit ito sa Look Maynila na daungan ng mga barko at kalakal galing sa ibang bansa.


Dito rin nagtatapos ang linya ng tren na Maynila-Dagupan (kilala ngayon bilang Tutuban) kaya ang mga produkto galing sa karatig probinsiya ay ibinabagsak sa Divisoria.


Sa kasalukuyan, umusbong na din dito ang iba’t ibang malls gaya ng Tutuban, Meisic, Divisoria, at 168.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr