Sino si Juan Luna?
Nagwagi ng medalyang ginto ang kaniyang obra maestrang Spoliarium sa Exposicion General de Bellas Artes sa Madrid noong 1884.
Sa pagpupugay ni Rizal, sinabi niyang patunay ang pintura ni Luna na ang “henyo ay walang lupain” at nangangahulugang may kakayahan ang mga Filipino na kapantay o hihigit pa sa mga Europeo.
Isinilang si Juan Luna noong 24 Oktubre 1857 sa Badoc, Ilocos Norte, anak nina Joaquin Luna de San Pedro at Laureana Novicio. Nakababata niyang kapatid si Antonio Luna.
Lumipat sa Maynila ang pamilya Luna noong 1861 kaya nakapagtapos siya sa Ateneo de Manila. Nag-aaral siya sa Escuela Nautica at natamo ang sertipikong piloto de altos mares tercer clase (magdaragat, ikatlong antas).
Habang naghihintay ng pagsakay sa barko, nag-aral muna si Luna sa Academia de Dibujo y Pintura sa ilalim ni Lorenzo Guerrero. Napansin ang kaniyang husay at hinikayat ng guro ang mga magulang na pag-aralin pa ng sining ang binata.
Ipinadala siya sa Espanya. Nagtungo din siya sa Italya at sa Pransiya. Napangasawa niya si Paz Pardo de Tavera at nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Andres Luna at Maria de la Paz.
Sa Madrid Art Exposition noong 1881, nagwagi ng medalyang pilak ang kaniyang obrang Cleopatra. Noong 1883, sinimulan niyang gawin ang Spoliarium. Nang sumunod na taon, nilikha niya ang El pacto de sangre (Sandugo) at Miguel Lopez de Legazpi, na dinala sa Maynila bilang proyekto para sa natamo niyang scholarship.
Nagpahayag siya ng pagkasawa sa estilong pang-akademya (na mahilig sa mga historiko at klasikong paksa) sa sining noong 1889. Sa yugtong ito ay nalikha niya ang Le Chifonier (Tagapulot ng basahan) na nagpapakita ng matandang lalaking gulanit ang suot at may dalang basket ng basahan.
Noong 1892, natapos niya ang Peuple et Rois (Taumbayan at Mga Hari) na balak niyang ilahok sa Chicago Universal Exposition sa taong iyon. Ngunit hindi ito nangyari dahil sa personal na trahedya. Binaril niya ang sariling asawa at biyenan. Napawalang sala siya at nagbalik sa Maynila noong 1894.
Noong Agosto 1896, dinakip siya at ang kaniyang mga kapatid sa hinalang kasapi ng Katipunan. Napawalang sala siya at nagtungo sa Espanya para ayusin ang pagpapatawad sa kaniyang kapatid na si Antonio. Pumanaw siya sa Hong Kong noong 7 Disyembre 1899 habang pabalik na sana sa Filipinas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Juan Luna? "