Paano namatay si Juan Luna?


Si Juan Luna ay namatay dahil sa atake sa puso.


Taong 1899, dalawang bantog na magkapatid ang nasawi, ang dakilang heneral na si Antonio Luna na pinaslang noong ika-5 ng Hunyo, at ang kanyang kuya na si Juan na premyadong pintor ng kanyang panahon na gumuhit sa mga obrang pumukaw sa entablado ng sining sa Europa. Pumanaw si Juan Luna sa araw na ito, at sa Hong Kong na siya inabutan ng kanyang biglaang pagkamatay sa edad na 42.


Noong panahong iyon, mula siya sa bansang France upang magsilbing diplomat kasama sina Sixto Lopez upang hingin ang pagkilala ng pamahalaang Pranses sa bagong tatag na unang republika ng Filipinas, at nais niyang makauwi sa ating bansa matapos mabalitaan ang pagpatay ng kapwa Filipino sa kanyang bunsong kapatid. Ngunit dahil sa atake sa puso ay sa Hong Kong na siya binawian ng buhay.


Pinaglamayan siya ng kanyang mga kababayan at mga kaibigang naroon na nagulat sa kanyang biglaang pagkamatay, at ayon kay Mariano Ponce ay maayos pa at malakas ang sikat na pintor. Dahil dito ay umigting ang tsismis na hindi ito namatay sa atake sa puso kundi nilason, at ang pamilya ni Pardo de Tavera ang itinuturong nagsagawa ng pagpatay kay Juan Luna upang ipaghiganti ang pagkamatay ni Paz Pardo de Tavera na kanyang asawa at biyenang si Juliana Pardo de Tavera sa kanyang sariling kamay. Ngunit mariing itinatanggi ng mga Pardo de Tavera ang naturang akusasyon.


Matapos ilibing sa Hong Kong si Juan Luna ay ipinahukay ng kanyang panganay na si Andres Luna ang mga labi ng kanyang ama noong 1920 at inilipat sa tahanan nina Andres bago muling inihimlay ang mga buto ni Juan sa crypt ng simbahan ng San Agustin sa Intramuros, Maynila.


Sanggunian:
• FilipiKnow (2020, December 29). Juan Luna: was the legendary painter murdered?. FilipiKnow.net. https://filipiknow.net/death-of-juan-luna/
• Wikipedia (n.d.). Juan Luna. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Juan_Luna