Simbahang San Agustin
SAN AGUSTIN CHURCH, INTRAMUROS: Mga Batang Maynila, alam niyo ba na ang simbahan ng San Agustin sa Intramuros ay tinuturing isang UNESCO World Heritage site?
Ang simbahan ng San Agustin ay isang produkto ng Baroque style architecture. Nakumpleto ang pagpapatayo sa simbahan noong 1607. Isa sa kapansin-pansin na detalye sa loob ng simbahan ay ang kisame na may desenyo na trompe l’oeil na gawa ng mga artisan.
Matatagpuan ito sa Kalye Hen. Luna at Calle Real sa Intramuros, Maynila. Idinisenyo ng Espanyol na si Juan Macias, ang simbahan ay mas naunang nakilala bilang Inglesia de San Pablo.
Isa ito sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Intsik at Filipino.”
Unang itinayo ito noong 1571 nang ideklara ng mga Espanyol ang Maynila bilang kabesera ng bansa. Ang simbahan na yari lamang sa pawid at kawayan noon ay nasira agad nang lusubin ni Limahong ang Intramuros noong 1574.
Nang muling itayo ito noong 1583, gumamit na ng kahoy, at nang muling idisenyo ito noong 1599, gumamit na ng bato. Taong 1606 nang matapos ang konstruksiyon ng simbahan.
Sinasabing ang plano at disenyo ng simbahan ay ayon sa inaprobahan ng Royal Audencia ng Mexico. Gayunman, mahigpit na isinaalang-alang ang kalidad ng materyales na gagamitin sa pagtatayo at sa kalagayan ng panahon sa bansa. Dahil dito, sa kabila ng mga pinagdaanan nitong mga sunog, mga lindol (na naganap noong 1645, 1754, 1852, 1863, at 1880) at pagbomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Simbahan ng San Agustin ang tanging estrukturang itinayo noong siglo 16 na nananatili hanggang ngayon.
Bukod sa pagiging isang mahalagang pamanang pang-arkitektura, saksi rin ang simbahan sa mga makasaysayang yugto ng Filipinas.
Matatagpuan sa loob nito ang mga labĂ ni Miguel Lopez de Legaspi, ang Espanyol na mananakop na nagtatag ng Lungsod Maynila. Sa sakristiya naman nito nilagdaan noong 1898 ang kasunduan sa pagsuko at pagpapasakop ng Maynila sa mga Amerikanong mananakop.
Dito rin ginanap noong 1953 ang Kauna-unahang Plenaryo ng Konseho ng Filipinas. Noong 1973, ang monasteryo nito ay ginawang lagakan ng mga relikya at iba pang likhang sining na mula pa noong siglo 16.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Simbahang San Agustin "