Simon Flores
Isinilang siya noong 28 Oktubre 1839 sa San Fernando de Dilao (Paco ngayon), Maynila, ngunit nanirahan sa Bacolor, Pampanga sa panahon ng kaniyang kasikatan.
Sinasabing naimpluwensiyahan siya ng dalawang amain: si Pio de la Rosa na una niyang guro sa pagpipinta at si Fabian Gonzales na nagpinta ng dekorasyon sa kisame ng MalacaƱang.
Nag-aral siya sa Academia de Dibujoy Pintura sa ilalim nina Lorenzo Guerrero at Lorenzo Rocha.
Napansin siya noong 1871 at pinuri dahil sa kaniyang portrait ni Amadeo I na inihandog niya sa probinsiya ng Pampanga.
Maaaring kaibigan na siya noon ni Monsinyor Ignacio Tambungui na nagpakilala sa kaniya sa mga mariwasang pamilya ng mga bayan sa Pampanga at ipininta niya ng mga portrait at pinturang panrelihiyon.
Pinakasalan niya ang kapatid ng monsinyor na si Simplicia. Nakapagpinta siya ng mga 20 retrato, kabilang ang dalawang bersiyon ng Familya Quiason at ang mga retratong Miguela Henson, Andrea Dayrit, Quintina Castor de Sadie, Anastasi Sandiko Panlilio, na hinangaan sa mga pinong-pinong detalye ng bordang kasuotan, mamahaling hiyas, at muwebles sa tahanan.
Kabilang sa mga larawang relihiyoso ni Simon ang “El Bautismo de Cristo,” “San Roque, parabola de la mujer arrepentida,” “La Inmaculada Concepcion.”
Nagpinta din siya para sa loob ng mga simbahan ng Bacolor, Betis, Mexico, at Santa Rita sa Pampanga.
Si Simon ang unang Filipinong may dugong katutubo na nagkamit ng premyo sa isang eksibisyong pandaigdig.
Noong 1876, nagkamit ng medalyang pilak sa Philadelphia Universal Exposition ang kaniyang “La musica del pueblo.” Noong 1891, nakamit niya ang pinakamatataas na karanagalan para sa kaniyang “Despues de la Ultima Cena” at “El prendimiento” sa timpalak pagguhit upang ipagdiwang ang tercentenario ni San Juan de la Cruz. Noong 1895, nagwagi siya ng medalyang pilak Exposicion Regional de Filipinas dahil sa lahok na “La expulsion. ”
Namatay siya noong 12 Marso 1904 sa gangrena dahil sa sugat na tinamo sa isang pamangking babae na tinuturuan niya ng pagpipinta bilang therapy sa pagkasira ng isip.
Bago namatay, nakapagpadala siya ng mga lahok sa Universal Exposition of St. Louis, Missouri, kasama ang portrait ni Andrew Carnegie.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Simon Flores "