Federico A. Alcuaz
Si Federico A. Alcuaz (Fe·de·rí·ko Ey Al·ku·wáz) ay isang prolipikong pintor, eskultor, at tanging Filipinong artista na nagkamit ng pinakamaraming gantimpala at parangal sa internasyonal sa larang ng pintura. Nominado siya para maging Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal noong 2009.
Isa siya sa mga itinuturing na maestro ng abstraksiyon. Kung ang karamihan ng mga artist sa kaniyang panahon ay naging alagad ng modernismo at abstraksiyon dahil sa ito ang napapanahon, si Alcuaz ay nagsimula at nagpakahusay muna sa klasikong estilo bago tuluyang naging bihasa at nakilala sa abstraksiyon.
Una siyang Filipino na nagwagi ng Prix Francisco Goya (1958). Sa Espanya, natamo rin niya ang prestihiyosong Premio Moncada (1957), nagkamit siya ng unang gantimpala sa Pintura Sant Pol del Mar (1961), at ikalawang gantimpala sa Premio Vancell sa Fourth Biennial ng Tarrasa, Barcelona (1964). Dito, gagamitin ni Alcuaz ang apelyido ng kaniyang ina upang makilala siyá sa iba pang Aguilar na kasama niya sa grupong La Puñalada at apelyido ng karamihan noon sa Barcelona.
Sa gulang na 24, itinanghal si Alcuaz na pinakabatang nagkaroon ng eksibit sa prestihiyosong Sala Direccion General, Museum of Contemporary Art sa Madrid. Susundan pa ito sa Galerias Layetanas at Galerias Manila sa Barcelona. Sa Pransiya ay pinarangalan siya ng Diploma of Honor sa International Exhibition of Art Libre (1961), Decoration of Arts, Letters and Awards na may ranggong Chevalier mula sa pamahalaang Pranses (1964) at Order of French Genius (1964). Si Alcuaz lamang ang tanging Filipino na nagkaroon ng mga pagtatanghal sa Alemanya, Pransiya, Amerika, at Espanya.
Bagaman mahabang panahon naglagi siya sa Europa, di niya nalimot bumalik sa Filipinas. Nakamit niya dito ang maraming karangalan, kabílang ang Republic Cultural Heritage award, 1965; Araw ng Maynila Award, 1966, Outstanding Manileño, 2001; at Presidential Medal of Merit, 2006. Isang aklat na pinamagatang Parallel Texts sa panulat din ni Alcuaz at Rod Paras-Perez ay inilathala ng Artlink Group Inc.
Isinilang siya sa Santa Cruz, Maynila noong 6 Hunyo 1932 kina Mariano Aguilar, isang abogado at Encarnacion Alcuaz. Layon ng amang maging isang abogado siya ngunit nanaig ang hilig sa sining.
Ikinasal siya kay Ute Gisela Schmitz, ang Alemang kumukuha ng kursong business at languages na nakilala niya sa Barcelona. Nagkaroon sila ng tatlong anak, sina Christian Michael, Andreas Frederic, at Wolfgang Matthias.
Pumanaw si Alcuaz noong 2 Pebrero 2011.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Federico A. Alcuaz "