Si Kabunyián, maaari ring Kabunyan, ay bahagi ng katutubong pananampalataya sa rehiyon ng Cordillera sa Hilagang Luzon.


Siya ang pinakadakilang bathala para sa mga Ifugaw, Kalinga, at Tinggian. Para sa mga taga-Bakun, Benguet, si Kabunyian ay naninirahan sa bundok na may gayunding pangalan samantalang para sa mga Ibaloi at Kalanguya, siyá ay naninirahan sa bundok ng Pulag sa pagitan ng Benguet at Ifugao.


Sa isang bersiyon ng mitolohiyang Ifugaw, bumaba si Kabunyian mula sa langit at nagpakasal sa isang babaeng tagalupa na may pangalang Bángan. Nagkaroon silá ng tatlong anak. Pagkapanganak sa kanilang ikatlo, kinailangan nang bumalik ni Kabunyian sa langit dahil ang kaniyang pagiging diyos ay hadlang sa kaniyang pananatili sa mundo.


Napagkasunduan nilá ni Bangan na paghatian ang kanilang mga anak. Si Kabigat, ang panganay na lalaki, ay maninirahan sa lupa kasama ang kaniyang ina. Si Daungen, ang anak na babae, ay maninirahan sa langit kasama ang kaniyang ama.


Dahil hindi nila maipasiya kung kanino mapupunta ang pangatlong anak, hinati ni Kabunyian ang katawan ng bunso at ginawang buo ang bawat kalahati. Napunta kay Bangan ang kalahating naging babae at tinawag siyang Bugan. Kasáma ang kanyang kapatid na si Kabigat, sila ang nagparami sa lahi ng tao sa lupa.


Napunta kay Kabunyian ang kalahating naging lalaki at tinawag siyáng Lumawig. Sina Lumawig at Daungen ay naging diyos at diyosa sa langit.


Minsang napagpapalit bilang pinakamataas na bathala sina Kabunyian at Lumawig. Para sa mga Bontok, si Lumawig ang itinuturing na pinakamataas na diyos.


Pinagmulan: NCCAOffical | Flickr


Mungkahing Basahin: