Anak
Ang “Anak” ay isang awiting Tagalog na isinulat ni Freddie Aguilar. Kabilang ito sa mga nominado para sa kauna-unahang Metropop Song Festival sa Maynila noong 1977.
Dahil sa kantang ito, nagkaroon ng kontrata si Aguilar sa VICOR, ang nangungunang record label noon sa Filipinas. Nagkaroon ng mahigit 100 cover versions, 27 salin, at inilabas sa 53 bansa, at nakabenta ng 30 milyong kopya. Tungkol ito sa isang anak na inalagaan ng kaniyang mga magulang noong sanggol pa lamang na kalaunan ay napariwara ang buhay. Narito ang unang bahagi ng awit:
Noong isilang ka sa mundong ito
Laking tuwa ng magulang mo
At ang kamay nila ang iyong ilaw
At ang nanay at tatay mo’y di
Malaman ang gagawin
Minamasdan pati pagtulog mo
At sa gabi’y napupuyat ang iyong nanay
Sa pagtimpla ng gatas mo
At sa umaga nama’y kalong ka
Ng iyong amang tuwang-tuwa sa iyo
Ngayon nga ay malaki ka na
Nais mo’y maging malaya
Di man sila payag
Walang magagawa
Ikaw nga ay biglang nagbago
Naging matigas ang iyong ulo
At ang payo nila’y sinuway mo.
Hango ito diumano sa tunay na buhay ni Freddie Aguilar. Sa gulang na 18, iniwan ni Aguilar ang kaniyang pamilya at huminto sa pag-aaral. Nais ng ama niyang maging abogado siya ngunit hindi ito nangyari. Naglakbay si Aguilar sa malalayong lugar dala lamang ang kaniyang gitara at noon nagsimulang mapariwara.
Isinulat niya ang “Anak” bilang isang paghingi ng kapatawaran sa kaniyang mga magulang. Umuwi siyang muli sa kanilang tahanan at tinanggap siya ng kaniyang mga magulang nang walang anumang sama ng loob. Napalapit sila sa isa’t isa ng kaniyang ama nang mabasa nito ang awitin bago sumakabilang buhay.
Sinasabing naging matagumpay ang awitin dahil isinulat sa paraang Kanluranin na may halo ng pasyon, isang anyo at kuwentong kilala ng mga Filipino. Isinapelikula naman ito noong 2000 sa direksiyon ni Rory Quintos at naging mga pangunahing artista sina Vilma Santos, Claudine Barretto, at Joel Torre.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Anak "