Sino si Manama?


Tinatawag din bilang Eugpamolak Manobo, si Manama ang dakilang manlilikha at pinakamataas sa kalipunan ng mga bathala ng mga Manuvu (Manobo), isang katutubong pangkat sa Mindanao.


Noong simula ng panahon, may dalawa lámang diyos, si Manama na naghahari sa langit, at kapatid niyang si Oggási na may hawak sa lupa.


Hungkag ang kalangitan ni Manama, samantalang hitik sa halaman ang kay Oggasi. Ipinadalá ni Manama ang kaniyang mga alagad na nagpanggap bilang mga bubuyog upang kumuha ng lupa at binhi mula sa nasasakupan ni Oggasi. Mula sa panahong ito, nagkaroon na ng alitan sina Manama at Oggasi hinggil sa kaayusan at kaguluhan.


Kadalasan ay nahihimbing si Manama. Napag-isipan niyang likhain ang tao, ngunit pagkatapos simulan ang balak ay nahimbing muli. Sinunggaban ni Oggasi ang pagkakataóng makapaghiganti sa kapatid, at ninakaw niya ang balak ni Manama na bigyan ang tao ng walang-hanggang búhay.


Ito ang dahilan ng kamatayan ng tao. Nang nagising ang unang lalaki, tinuklas niya ang daigdig ngunit nakaramdaman ng pagkukulang, dahil na rin sa pagpupukaw ni Oggasi. Pinagnilayan ito ni Manama. Kung bibigyan niya ang lalaki ng kapareha, mababawasan ang dapat sana ay ganap na pagsalig nitó sa bathala. Ngunit kung ipagkakait naman niya ang kapareha, magwawagi si Oggasi.


Sa hulí, ginawa ni Manama ang unang babae. Hindi lumaon ay nakaramdam ang babae ng di-matukoy na paghahangad, at nagsimulang malumbay. Napagtanto ni Manama na kagagawan ulit ito ni Oggasi. Upang matuwa ang kaniyang mga nilaláng, lumikha siyá ng uod na kakapo at inilagay sa gitna ng mga hita ng lalaki. Dahil sa mga gawain ng uod, natuklasan ng lalaki at babae ang sarap ng pakikipagtalik. Ngunit pinakain ni Oggasi ng binhi ang uod, at nang maitanim ito sa babae, nagbuntis ito. Dumami ang mga tao.


Magkalapit noon ang langit at lupa at madalîng tumawid sa magkabilâng panig. Tuwing gising si Manama, makikipag-usap siyá sa kaniyang mga nilaláng upang pakinggan ang kanilang mga hinaing.


Sa pagdami ng mga tao at kanilang mga panawagan, nagsimulang mahirapan si Manama. Kasabay ng kaniyang pagiging pagod at iritable ang pagkagulo ng panahon ng kaniyang kalangitan—uulan, aaraw, hahangin, kikidlat.


Isang araw, sa kasagsagan ng isang matinding tagtuyot, kinalampag ng mga tao ang langit upang gisingin at hingan ng tulong si Manama. Nabuwisit ang poon at inilayô ang kalangitan sa lupa upang hindi na siyá maestorbo muli.


Sa pagkalayô ni Manama, sinunggaban ni Oggasi ang pagkakataóng maghasik ng kaguluhan sa daigdig. Nilikha niya ang dambuhalang si Makaralig upang magkalat ng lagim at itaboy ang mga tao. Unang hiningan ng tulong ng mga tao si Manama, ngunit himbing siyá at hindi na silá madinig. Nagpasiya ang mga tao na silá ang makalulutas ng kanilang suliranin. Nagtulungan silá upang patayin ang higantes at itaboy si Oggasi. Dito nilá napagtanto na silá ang may hawak ng kanilang tadhana.


Sa mitolohiya ng mga Manuvu, nilikha ni Manama ang mga ilog Pulangi at Agusan upang balansehin ang daigdig at panatilihin itong panatag kapag may lindol. Tuwing panahon ng pagtatanim at pag-aani, nag-aalay ng dasal ang mga Manuvu kay Manama. Tinatawagan din siyá upang tulungan ang mga katutubong manggagamot sa kanilang pagpapagalíng.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Bahangin: