Ang Ulahingan ay epikong-bayan o bendingan ng mga Livunganen-Arumanen Manobo na naninirahan malapit sa Ilog Libungan sa Hilagang Cotabato, Mindanao.


Itinuturing itong pinakamahabang epikong-bayan sa buong Pilipinas.


Ang ulahing o pag-awit ay maaaring abutin nang mahigit sa dalawang linggo. Isinasalaysay rito ang pakikipagsapalaran ng bayaning si Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig at paraisong tinatawag na Nelendangan. Mahigpit na kaugnay ito ng epikong Agyu ng mga Ilianon Manobo, sapagkat ang dalawang nabanggit na pamayanang Manobo ay dating iisang grupo.


Nahahati sa dalawang bahagi ang Ulahingan: ang kepu’unpu’un at ang sengedurug.


Tumutukoy ang kepu’unpu’un sa simula ni Agyu at ng kaniyang mamamayan sa daigdig; samantalang isinasalaysay sa sengedurug ang buhay nina Agyu sa Nelendangan. Iisa lámang ang kepu’unpu’un bagama’t maaari itong magkaroon ng maraming bersiyon. Apat ang naitala at nailimbag na bersiyon nitó, dagdag pa rito ang bersiyong nalikha ng Langkat, isang relihiyosong sekta na nabuo bunsod ng pangako ng Ulahingan sa pagmamana ng paraiso ng susunod na pilìng grupo. Ang sengedurug ay bahagi ng epikong-bayan, bagama’t bawat isa nitó ay isang kompletong kuwento.


Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,647 ang sengedurug at patuloy pa itong nadaragdagan bunga ng sinasabing pananatili sa Nelendangan ni Agyu at ng kaniyang mamamayan. Isa sa mga sengedurug nitó ay ang Ang Pagbisita ni Lagaba’an sa Nelendangan na umaabot ng 5,779 taludtod.


Itinala ito ni Elena G. Maquiso ng Silliman University mula sa salaysay ng magkapatid na Langkan at Santiago Abud at nairekord ni Samoan Bangcas sa Barongis, Libungan noong 1963.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: