Si E. Arsenio Manuel ang nagpangalang epikong-bayan o folk epic sa sinauna’t mahahabang patulang salaysay sa Pilipinas. Sa isang lektura noong 20 Hunyo 1962, sinuri ni E.A. Manuel ang mga epikong-bayan na naitala na noon ng mga etnolingguwista at antropologo.


Inuri niya ang mga epikong-bayan alinsunod sa mga may-aring pangkating etniko. Una, ang epikong-bayan ng mga Kristiyano at pangunahing halimbawa ang Biag ni Lam-ang ng mga Ilokano at siya ring kauna-unahang epikong-bayang naitala sa Pilipinas.


Ikalawa, ang epikong-bayan ng mga pangkating pagano at siyang lumilitaw na pinakamarami. Kabílang sa sinuri ni E.A. Manuel ang Hudhúd ng mga Ifugaw, Ullalim ng mga Kalinga, Hiniláwod ng mga Sulod, Tuwáang ng mga Bagobo, Guman ng mga Subanun, Agyu ng mga Bukidnon. Ikatlo, ang epikong-bayan ng mga Muslim at kabílang dito ang Darangan ni Bantugan ng mga Maranaw.


Inilatag ni E.A. Manuel ang sumusunod na mga pangunahing katangian ng isang epikong-bayan:

  1.  salaysay na may sustenidong haba,
  2.  batay sa tradisyong pabigkas,
  3.  umiikot sa mga sobrenatural na pangyayari o mga gawaing pambayani,
  4.  nása anyong patula,
  5.  na inihihimig o inaawit,
  6.  may layuning seryo sa pagtitipon o pagpapatibay ng mga kapaniwalaan, mga kaugalian, mga mithi, o mga hálagáhan sa búhay ng sambayanan.”


Sa pamamagitan ng mga naturang pamantayan ay natalakay ni E.A. Manuel ang ilang maselang isyu hinggil sa mga napapabalitang epikong-bayan noon. Tinukoy niya halimbawa ang problema sa itinuturing na epiko ng mga Bikolano, ang Ibalon o Handiong na hanggang ngayon ay walang bersiyon sa Bikol; ang kontrobersiyal na Maragtas sa Panay; at ang mga malîng pagtuturing sa ilang ritwal at mito bilang epikong-bayan.


Sa paglalahad ni E.A. Manuel, lumilitaw na may pinakamayamang bilang ng epikong-bayan ang mga pangkating etniko na nakaligtas sa panlulupig ng mga Espanyol. Bago matapos ang ika-20 dantaon, marami pang epikongbayan ang nairekord ng mga mananaliksik.


Pumasok sa pananaliksik ang kata-kata at kíssa sa Tawi-Tawi at Sulu na nagkukuwento sa maalamat na paghahanap ng asawa, pakikipagtunggali laban sa kalikásan at pagtatanggol laban sa mananakop. Kabilang dito ang epikong-bayang Párang Sabíl ng mga Tausug at Silúngan Baltápa ng Sama.


Ayon sa ulat nitong 2000 ng isang etnologong Pranses, si Dr. Nicole Revel, nakatipon ang kaniyang labinsiyam na iskolar ng 66 epikong-bayan. Si Revel mismo ay sumuot sa kabundukan ng Palawan at nakapagrekord ng mga epikongbayang Palawanon. Isa sa mga ito, ang Kudaman, ang isinalin sa Filipino at inilathala nitong 1993.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr