Sino si agyu? (Agyu  Epic Story)


Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lamang ito sa buhay at pakikipagsapalaran ni Agyu.


Sa kabilang dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa buhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikongbayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.


Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kaya kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu.


May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siya ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu.


May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyang si Bayvayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nila ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasama ang mga adtulusan o pinagpala.


Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. OpeƱa (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niya sa pakikidigma. Ang isang katangitangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: