Ang Indarapatra at Sulayman ay isang epikong-bayan ng mga Magindanaw sa Mindanao. Inaawit na ito bago pa man dumating ang paniniwalang Islam sa isla.


Pangunahing tauhan nito ang magkapatid na sina Raha Indarapatra at Raha Sulayman at kung paano nila iniligtas ang Mindanao laban sa mga halimaw.


Hari si Indarapatra ng Mantapuli, isang malaki at dakilang lungsod na pinamamahayan ng maraming tao, samantalang magiting na mandirigma si Sulayman.


Bukod sa epikong bayang ito, lagi ring nababanggit si Indarapatra sa ibang kuwentongbayang Magindanaw, at maituturing siyang kanilang maalamat na bayani.


Nagsisimula ang Indarapatra at Sulayman nang mababalitaan ni Indarapatra ang malimit na pananalakay ng mga dambuhala at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao, sa labas ng kaniyang kaharian ng Mantapuli.


Ipinatawag niya ang kapatid na si Sulayman. Papakiusapan niya itong puksain ang mga halimaw, at ipahihiram ang kaniyang mahiwagang singsing at mahiwagang kris, ang Juru Pakal, na animo’y may sariling isip sapagkat kaya nitong lumusob sa kalaban nang mag-isa.


Pagkatapos ng iba pang tagpo at labanan, sa dulo ng salaysay ay ipanganganak sina Rinamuntaw at Rinayung, kambal na anak na lalaki at babae ni Indarapatra na sinasabing ninuno ng ilan sa mga tribu ng rehiyon ng Lawang Lanao.


Ayon sa aklat ni Damiana L. Eugenio, umaayon ang lunan ng epikong-bayan sa lupaing pamilyar sa mga Magindanaw, tulad ng mga bundok Kabalalan, Matutun, Bita, at Gurayn.


Kahit may nakapasok na mga pangalang Arabe, nananatili pa rin daw tapat ang naratibo sa katutubong tradisyon ng mga Magindanaw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: