Ang Inday ay magiliw na tawag sa mga dalaga at sa batang babae sa Kabisayaan, katulad ng Nene o Neneng sa Tagalog at Rosing sa Pangasinan.


Isa sa mga pinakapopular na awit na patungkol kay Inday ang “Inday ng Búhay Ko.”


Naging pantawag din ito para sa babaeng matapang at hindi umaatras sa away, lalo na sa pelikula.


Ilang beses itong naging pamagat ng pelikulang pantasya, gaya ng

  • Ang Tapis Mo Inday (1951),
  • Si Inday sa Balitaw (1970),
  • Inday ng Buhay Ko (1973),
  • Inday Garutay (1976),
  • Inday Bote (1985),
  • Inday, Inday sa Balitaw (1986),
  • Super Inday and the Golden Bibe (1988; 2010),
  • Inday Wanda (2008),


Ginamit din ito maging sa telebisyon, gaya ng mga programang Inday Heart to Heart (2002) at Inday Wanda (2010).


Naging malaganap ring pantukoy sa babaeng kasambahay ang pangalang Inday. Kalimitan na galing probinsiya, kahit hindi mula sa Cebu o Bisayas, ang mga pumapasok bilang kasambahay sa Maynila.


Naging de-kahong pangalan ang Inday upang tukuyin ang kasambahay na hindi limitado ang kakayahang umunawa. Subalit kamakailan, sa paglawak ng paggamit ng cellphone at internet, umusbong ang panibagong imahen ni Inday.


Sa mga mensahe sa text at sa mga sariling blog, nabuo ang serye ng Inday jokes na nagtatampok kay Inday na magaling mag-Ingles at kayang makipagdebate kahit pa sa kanyang mga amo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: