Si Candido Iban (Kán·di·dó I·ban) ay isa sa mga pinuno ng Katipunan sa Bisayas, at isa sa Labinsiyam na Martir ng Aklan, ang mga unang bayani ng lalawigan sa panahon ng Himagsikang Filipino na binitay ng mga Espanyol sa bayan ng Kalibo noong 23 Marso 1897.


Isinilang si Iban sa Lilo-an, Malinao, Aklan noong 3 Oktubre 1863. Itinuturing siyáng unang “OFW” ng Malinao sapagkat nagtrabaho bilang maninisid ng perlas sa Australia. Dito niya nakilala si Francisco del Castillo (kilala rin bilang Francisco Castillo) na magiging kasama niya sa Katipunan.


Sa Australia, nagwagi si Iban sa loterya, at ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa kilusan ni Supremo Andres Bonifacio. Ginamit ang salaping ito upang makabili ng kinakailangang imprenta na siyáng naglimbag sa pahayagang Kalayaan ng Katipunan.


Noong Enero 1897, pinabalik ni Bonifacio ang dalawang kasusumpang Katipunero na sina Iban at Castillo sa Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Bisayas at mangalap ng mga bagong kasapi. Pinasimulan nina Iban at Castillo ang kilusang rebolusyonaryo sa Aklan, na naging unang lugar sa labas ng Luzon na sumanib sa Himagsikang Filipino.


Ang sinilangang baryo ni Iban, ang Lilo-an sa Malinao, ang nagsilbing kabisera ng kilusang rebolusyonaryo sa kanluran ng Ilog Aklan (o Ilog Akean).


Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban ng mga kababayang naglilingkod sa mga Espanyol at dinala sa Kalibo. Ilang daang Katipunero, sa pamumuno ni Heneral Castillo na nakasakay sa puting kabayo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni Capitan Municipal Juan Azaraga pinagkukutaan ng mga opisyal ng bayan at ng mga guwardia sibil. Pagkatapos himukin ni Castillo si Azaraga upang lumabas, pinaputukan kaagad ang Filipinong heneral.


Sa pagkakapatay kay Castillo, umurong ang mga nag-alsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinuno ng puwersang Espanyol sa Visayas, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung nagtatago sa kabundukan ang sumuko mula Marso 19 hanggang 22, 1897. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumilì siya ng 20 na inakala niyang lider, na naging 19 nang pawalan ang isa.


Kabilang si Iban sa labinsiyam. Pinahirapan ang mga ito bago hinatulang barilin sa madaling-araw ng Marso 23, 1827. Kinaladkad ang mga bangkay nila sa liwasang bayan upang huwag pamarisan ng ibang taga-Aklan. Pero hindi natakot ang mga kababayan at sa halip ay nagpatuloy sa pag-aalsa.


Isang bantayog para kay Iban ang matatagpuan sa plaza ng Malinao, Aklan.

Ginugunita ngayong araw, Oktubre 3, 2021 ang ika-158 taong kaarawan ng rebolusyonaryong Pilipino at itinuturing ring isa sa mga unang overseas Filipino Workers (OFWs) sa Pilipinas na si Candido Iban. Ipinanganak siya noong 1863 sa isang mahirap na pamilya sa barrio Lilo-an, sa bayan ng Malinao, Aklan.

Dahil laki siya sa isang pamilyang kapos-palad, hinangad niyang makatulong sa kanyang mahirap na pamilya kung kaya’t lumuwas siya papunta sa karatig-lalawigan ng Iloilo at Negros para maghanap ng trabaho. Makaraan ang kanilang pagtatrabaho sa taniman ng tubó o sugarcane, sinubukan ni Iban na hanapin ang kanyang swerte sa Australia para magtrabaho bilang tagasisid ng perlas, kasama ang kaibigang si Francisco del Castillo. Doon, maswerteng nakatama sa larong loterya si Iban, na nanalo ng 1,000 piso. Pagkauwi ng dalawang magkaibigan sa Pilipinas, nakilala ni Iban ang kapatid ni Andres Bonifacio na si Procopio, at nahimok siya nito na sumapi sa kilusang Katipunan. Hindi lang pumayag si Iban na sumapi sa Katipunan, kundi ibinigay rin niya ang natirang perang kanyang napanalunan sa loterya para ipagpatayo ng isang palimbagan para magamit na pang-imprenta ng Ang Kalayaan, ang opisyal na peryodiko ng Katipunan. Nailathala ang unang edisyon ng Ang Kalayaan noong Enero 1896, at nakatulong ito sa pagpapalaganap ng doktrina ng samahan at maparami ang mga miyembro nito.

Nang sumiklab ang rebolusyong Pilipino, pinangunahan ni Iban at kaibigan niyang si del Castillo ang unang charter ng Katipunan sa Visayas, sa lalawigan ng Aklan. Ika-17 ng Marso, 1897 nang pinangunahan ni Iban at del Castillo ang pag-aalsa sa bayan ng Lilo-an laban sa pamahalaang Espanyol, pero madali silang nagapi ng mga mas armadong Guardia Civil. Napatay rito si del Castillo, habang nahuli si Iban at nagsitakas sa bundok ang mga natirang Katipunero. Inalok pa ni Heneral Ricardo Carnicero Monet, ang pinuno ng mga pwersang Espanyol sa Visayas, ang mga nagsitakas na mga Katipunero ng amnestiya kapalit ng kanilang pagsuko, pero isa lang itong patibong.

Marami sa mga sumuko ang ikinulong, at agarang hinatulan ng kamatayan sa kasong rebelyon. Ika-23 ng Marso, 1897 nang kabilang si Candido, at kapatid niyang si Benito Iban sa 19 na mga sabay-sabay na binaril sa harap ng firing squad sa lalawigan ng Aklan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: