Ano ang ibig sabihin ng ofw?


OFW (o·ef·do·bol·yu) ang pinaikling tawag sa mga Overseas Filipino Workers, mga manggagawang Filipino na nagpupunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho.


Silá ang tinaguriang mga “bagong bayani” ng bansa. Umaabot na sa mahigit siyam na milyon ang bilang nilá na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at nagtatrabaho bilang mga domestic helper (DH) o kasambahay, mga manggagawa sa konstruksiyon, mga propesyonal na ineempleo sa mga ospital, barko, hotel at restoran, eskuwelahan, at sa mga kompanyang nása serbisyo, impormasyon, at teknolohiya.


Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas at National Statistics Office, noong 2008 ay nakapagtala ng 16.4 bilyong dolyar ang naipadaláng remitans ng mga OFW na pumasok sa bansa. Kumakatawan ito sa 11.4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa, kayâ ang taguri sa kanilang mga “bagong bayani” dahil sa malaki niláng kontribusyon sa ekonomiya ng Filipinas.


Karamihan sa mga OFW ay mga propesyonal na walang makuhang trabaho sa loob ng Filipinas o mga nagtatrabaho na pero maliit lámang ang tinatanggap na kita. Kadalasang tumatagal ang kontrata ng trabaho sa pagitan ng tatlong buwan hanggang dalawang taon o higit pa.


Tinatayang nása 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga OFW ang mga “undocumented” o ilegal na nagtatrabaho sa ibang bansa. Pumapasok silá sa isang bansa bilang mga turista at doon naghahanap ng trabaho. Sa ganitong sitwasyon, dumarami ang mga manggagawang Filipino na nagiging biktima ng mga pang-aabuso ng mga amo nilá.


Nagsimula ang labor export program (LEP) ng gobyernong Filipinas noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos upang makontrol ang panlipunang kaguluhan at bahagi ng mga pagbabagong idinidikta ng gobyernong Amerikano sa estruktura ng ekonomiya ng bansa.


Layunin nitó na maibsan ang problema ng kawalan ng trabaho at mabawasan ang pangungutang ng gobyernong Filipinas. Nagresulta ito sa maramihang paglikas ng mga manggagawa, propesyonal man o bihasang manggagawa, papuntang ibayong-dagat lalo na sa mga bansa sa Gitnang Silangan at mga karatig bansa sa Asia. Napakalaki ngayon ng konsentrasyon ng mga OFW nasa Saudi Arabia.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: