Ferdinand Edralin Marcos
Sa ngayon, si Ferdinand Edralin Marcos (Fer·di·nánd E Már·kos) ang may pinakamahabàng panahon ng panunungkulan bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Nagwagi siyang pangulo sa halalang 1965 at muling nahalal noong 1969. Ngunit bago matapos ang administrasyon niya ay nagdeklara siya ng Batas Militar noong 1972 at nagpairal ng diktadura hanggang 1986.
Isinilang si Marcos noong 11 Setyembre 1917 sa Sarrat, Ilocos Norte kina Mariano Marcos at Josefa Edralin.
Hinahangaan siyá sa katalinuhan. Sa Unibersidad ng Pilipinas siyá nagtapos mula mataaas na paaralan hanggang abogasya at lagi siyang nangunguna sa klase. Nagtapos siyáng cum laude noong 1939 at nagkamit ng President Quezon Award sa kaniyang tesis.
Sumikat din siyá bilang magalíng na abogado at bayani sa digmaan. Hábang nagrerepaso para sa bar ay ipiniit siyá dahil sa hablang pagpatay kay Julio Nalundasan. Siyá ang nagtanggol sa sarili sa hukuman. Ang resulta, naabsuwelto siyá sa kaso at nanguna pa sa bar.
Nagwagi siyang kongresista noong 1949, 1953, at 1957. Sa panahong ito niya nakilála ang Binibining Maynila na si Imelda Romualdez at pinakasalan.
Tatlo ang anak nilá: sina Imee, Ferdinand Jr. (Bongbong), at Irene at dalawa sa kanila ang aktibo sa politika. Naging senador siyá noong 1959 at naging pangulo ng Senado pagkaraan ng eleksiyong 1961. Tinalo niya si Macapagal sa eleksiyong 1965, muling nahalal noong 1969, at nagdeklara ng Batas Militar noong 1972 para diumano supilin ang lumalalang pambansang krisis.
Nagpatuloy ang krisis kahit inalis niya ang Batas Militar noong 1981. Noong 21 Agosto 1983, bumalik sa Filipinas si Benigno (Ninoy) Aquino Jr., ang kinikilálang pangunahing lider oposisyon, at pinatay sa tarmac ng Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport ngayon).
Lumikha ito ng higit na kaguluhan. Napilitang tumawag si Marcos ng halalan noong 7 Pebrero 1986 at nakalaban niya si Corazon (Cory) C. Aquino, biyuda ni Ninoy.
Ang malubhang dayaan sa halalan ay sinundan ng isang kudeta noong Pebrero 22 na tinangkilik ng taumbayan at naging tinatawag na People Power sa kahabaan ng EDSA (Epifanio de los Santos highway).
Tumakas patungong Hawaii si Marcos at ang pamilya noong Pebrero 25. Doon na siyá iginupo ng matagal nang karamdaman noong 28 Setyembre 1989.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ferdinand Edralin Marcos "